Isla Paraiso (27)
NANG oras ding iyon ay naglatag ng plano si Alexis at Lolo Kandoy ng mga gagawin para mapigilan ang mining company na makapasok sa Isla Paraiso. Napakinabangan niya ang pinag-aralan noong nasa kolehiyo pa at naging officer ng ROTC.
“Babarikadahan natin ang pagdadaungan ng mga kagamitan ng minero. Wala silang ibang pagdadaanan dito sa isla kundi ang pondohan. Kapag nabarikadahan natin hindi sila makakababa. Kailangan lamang ay maging alerto at mapagmatyag tayo. Sang-ayon ba kayo mga kabarangay?’’
Lahat ay sumagot nang “oo!”
“Kung ganun, hahatiin natin sa tatlong shifts ang mga tao para sa pagbabantay. Unang shift ay mula 6:00 am hanggang 2:00 pm. Ang ikalawa ay mula 2:00 pm hanggang 10:00 pm at ang ikatlo ay 10:00 pm hanggang 6:00 am. Payag ba kayo?’’
Sumagot uli nang “Oo, payag kami!’’
“Salamat sa inyo mga Kabarangay. Sa pamamagitan ng pagkakaisa at pagtutulungan ay hindi makakapasok dito ang mining companies. Wala silang magagawa kundi bumalik sa kanilang pinanggalingan. Mare-realized nilang hindi sila uubra rito sa Isla. At tayo ang magsisilbing halimbawa sa iba pang mamamayan na basta may pagkakaisa, kayang labanan ang mga sisira sa ating kalikasan.’’
Hanggang isang lalaki ang biglang sumulpot sa kung saan. Balbas sarado ang lalaki at malaki ang pangangatawan.
“Tutol ako sa balak n’yo! Gusto kong magkatrabaho sa minahan. Malaki ang pasuweldo at may libre pang tirahan at pagkain. Ayaw kong magutom. Sawang-sawa na ako sa buhay dito sa Isla na walang katorya-torya. Kailangan naman ay malasap ang sarap ng buhay at ang minahan ang sasagot diyan! Panahon na para magkaroon ng pagbabago sa Isla. Ito na ang tamang pagkakataon. Sasayangin ba ito? Palalampasin ba ito?’’
At nanawagan ang lalaki sa mga kabarangay. “Sino sa inyo ang gusto nang malaking suweldo. Taas ang kamay!”
(Itutuloy)
- Latest