119 na kongresista, pahiya sa publiko

KUNG sino man ang mga constituents ng 119 na kongresista na  siyang bumoto noong nakaraang eleksiyon ay dapat lang na ikahiya nila ang mga ito.

Ang 119 na kongresistang ito sa pangunguna ni Sagip Partylist Representative Rodante Marcoleta na siyang nagmosyon upang bigyan lang ng P1,000 na budget ang Commission on Human Rightts (CHR).

Sa P1,000 na budget para sa 2018 ay lumilitaw na pinabubuwag na ng mga kongresista ang CHR at ipinapatigil ang operasyon.

Iba’t iba ang reaksiyon ng publiko pero karamihan ay hindi sang-ayon sa desisyon ng mayoryang kongresista.

Napahiya ang 119 na mambabatas dahil ang buong akala nila ay magiging positibo ang magiging reaksiyon ng publiko.

Pero kabaliktaran ang pahayag ng mga senador sa pangunguna mismo ni Senate President Koko Pimentel na nilikha ang CHR sa pamamagitan ng konstitusyon kung kaya dapat lang na bigyan ng kaukulang budget upang hindi maapektuhan ang operasyon nito.

Ayon sa paliwanag ng mga kongresista, palpak daw kasi si CHR Chairman Chito Gascon at puro mga laban daw sa pulis at sundalo ang binabantayan sa paglabag sa karapatang pantao.

Hindi na kailangang magdebate sa performance ng CHR at kung ang basehan lang ng mga kongresista ay ang performance at kapalpakan ay napakaraming ahensiya ang palpak tulad na lang ng Department of Transportation dahil hanggang ngayon wala pa ring solusyon sa problema sa plaka ng sasakyan at ang MRT 3.

Maging ang Bureau of Customs na nagpalusot ng bilyun-bilyong halaga ng shabu ay malinaw na palpak at dapat P1,000 lang ang budget ng mga ito.

Mismong ang PNP ay maraming kapalpakan lalo na sa mga operasyon nito na nabisto ng CCTV ang paglabag sa rules of engagement at sa batas na kung ang basehan ay kapalpakan dapat P1,000 din ang pondo rito.

Sa madaling salita ay alibi na lang ng mga kongresista dahil gusto lang ng mga ito na magsipsip sa presidente at hindi na nag-isip kung tama ba o hindi ang desisyon.

Kung palpak ang CHR ay kastiguhin ang mga opisyal at kasuhan pero huwag idamay ang buong tanggapan na nilikha ng Konstitusyon.

 

Show comments