MULING mapapatunayan kung gaano kalawak ang kaisipan ng mga senador kumpara sa mga kongresista.
Ito ay kaugnay ng pag-apruba ng 119 na kongresista na bigyan lang ng P1,000 na budget ang Commission on Human Rights (CHR) para sa taon 2018.
Maraming senador ang tumutol sa pagbibigay ng P1,000 na budget.
Masyadong makitid ang kaisipan ng mga kongresistang bumoto pabor upang alisan ng pondo ang CHR. Hindi nararapat alisan dahil isa itong Constitutional body na nakasaad mismo sa Saligang Batas.
Totoong maraming pagkukulang ang CHR pero puwede itong ireporma at ayusin ang performance. Puwede namang pagpaliwanagin ang mga opisyal ng CHR sa budget hearing at ilatag ng mga kongresista kung ano ang partikular na kapalpakan ng commission.
Ayon nga sa pahayag ni Sen. Sonny Angara, ang CHR ang nakatuklas sa isang sikretong kulungan sa Maynila na pinagsama ang mga bilanggong babae at lalaki na isang iligal na gawain ng mga pulis. Paglabag ito sa karapatang pantao ng mga detainees na hindi pa nasasampahan ng kaso at nahahatulan ng korte.
Nakikita natin na mas malawak ang kaisipan nang mara-ming senador at hindi sila kumikilos dahil lang sa ito ang nais ni President Duterte.
Alam nang lahat na direktang binabatikos ng Presidente ang CHR at pinagbabantaan na ipabubuwag ang nasabing ahensiya.
Dahil galit si Duterte sa CHR ay ganito na rin ang naging damdamin nang maraming kongresista na ang hinala ng publiko ay nais lang magsipsip sa Presidente.
Gayunman, inaasahan na hindi mawawalan ng budget ang CHR dahil hindi papayag ang Senado na kilalang independent at hindi nakikiuso lang dahil sa gusto ng Presidente.
Makakabuting tiyakin na lang sa CHR na pagbutihin pa ang kanilang tungkulin sa pagbabantay sa karapatang pantao ng mamamayan laban sa pag abuso mg sinuman.