Supt. Corpuz, magsampol ka na!
BELATED happy birthday kay Supt. Ruben Ramos ng Manila Police District (MPD). Kaya lang, mukhang malungkot ang birthday ni Ramos kahapon dahil bago ang araw ng pagsilang niya nakatanggap siya ng order na inilipat siya sa Station 8 ng MPD sa Sta. Mesa. Paano di maging malungkot si Ramos e mula P120,000 pupunta siya sa P25,000 weekly. Get’s n’yo mga kosa? Sa pagkaalam ko, humingi ng isang buwan na extension si Ramos subalit pagdating niya kay Sr. Supt. Danny Macerin, Chief Directorial Staff ng MPD, para magpaliwanag ukol sa nakabinbin niyang trabaho e may order na siya papuntang Station 8. Kaya hindi nasalo si Ramos ng closeness niya kay PNP chief Dir. Gen. Ronald “Bato” dela Rosa. Kung sabagay, kung nagtrabaho lang si Ramos, kahit hindi siya bata ni Bato, dapat nasa puwesto pa siya, di ba mga kosa? Kasi nga, panay lang tanghod niya sa grasya samantalang naghihiyawan sa galak at tuwa ang drug pushers sa Tondo na kahit si President Digong ay hindi siya kakampihan. Boom Panes! Hak hak hak! Weder weder lang ‘yan!
Imbes na sumama ang loob ni Ramos dahil sa paglipat niya, dapat mag-move on na lang siya. Gamitin niya ang experience para isulong ang mga alituntunin ni Digong laban sa droga para hindi na siya mapuna at mapansin ng kritiko. ‘Ika nga, bagyo ka na kay Bato at super naman ang accomplishment mo, eh ba sobra na ang plus factor mo, di ba mga kosa? Sino pa ang gagalaw sa‘yo kung wala ka namang mintis sa katawan mo? Sa totoo lang, halos walang kumakausap dito kay Ramos na kapwa opisyal niya sa MPD dahil sa tingin niya may sariling kaharian siya at untouchable pa. Hehehe! Hindi team player si Ramos? Kaya sa pagka-relieve niya, sa tingin ko mahimasmasan na si Ramos, at hindi na pitsa ang magiging priority niya. Ang unang gawin ni Ramos ay idistansiya ang sarili niya kay PO3 Rizal Belmonte dahil kahit malakas ang parating ng pitsa sa kanya, abot langit naman ang panalangin ng mga may palaro na matigbak siya. At hayun nagkatotoo nga! Get’s n’yo mga kosa? Kaya dapat magsilbing leksyon itong relief ni Ramos sa kapwa niya opisyal ng PNP na hindi porke’t bagyo sila kay Bato ay untouchable na sila, di ba mga kosa ko diyan sa Camp Crame? Marami pa kasing opisyal ng PNP na bukambibig si Bato at imbes na makatulong sila sa pamamagitan ng trabaho eh nagsilbi silang pabigat pa kay PNP chief. Boom Panes! Tumpak! Hak hak hak! Pagsibakin na ‘yang mga pabigat kay Bato!
Para naman bigyan ng isa pang pagkataon at mailigtas sa kahihiyan si Ramos, na miyembro ng PNPA Class ’98, nagsagawa na lang ng minor reshuffle si MPD director Chief Supt. Jigs Coronel? Ang pumalit kay Ramos sa Station 1 ay si Supt. Jerry Corpuz, na dating hepe ng Station 6, na pinalitan naman ni Supt. Olivia Sagaysay. Nasa tamang landas naman si Corpuz dahil sa unang araw niya sa Station 1, sinibak niya ang lahat nang hepe ng presinto na bata ni Ramos dahil hindi naman sila nagtatrabaho. Pinalitan sila ng mga bata ni dating Station 1 commander Supt. Robert Domingo. Kaya kung nagsasaya ang drug pushers noong panahon ni Ramos at mga PCP commander niya, tiyak sa panahon ni Corpuz may kalalagyan na sila. Hak hak hak! Magsitago na kayo, mga drug pushers sa sakop ni Corpuz sa Tondo at tiyak may kalalagyan kayo! Tinitiyak ng mga kosa ko sa Tondo na ang lahat ng barangay chairman sa lugar ay mag-cooperate na rin kay Corpuz kapag nakikita nilang may nakatimbuwang na drug pushers sa kalye. Hak hak hak! Hala magsampol ka na Supt. Corpuz Sir!
Sa totoo lang, wala namang away ang Supalpal kay Ramos. Ang nais ko lang ay magtrabaho siya at hindi ‘yung bukambibig na lang niya si Bato at hindi na pinapansin ang mga nakataas sa kanya na opisyal ng PNP. Paano sa pagretiro ni Bato sa Enero? Di una rin siyang tigbak, di ba mga kosa? ‘Ika nga ni Macerin, baka nalula lang si Ramos sa trabaho sa Metro Manila dahil hindi ito kagaya sa probinsiya. Kaya hindi pa huli ang lahat kay Ramos para ituwid ang mga pagkakamali niya. Abangan!
- Latest