KAKAIBA ang nangyayari ngayon sa Senado dahil hindi na maituturing na isang pagdinig ng komite partikular ang inquiry ng Senate Blue Ribbon Committee na pinamumunuan ni Sen. Richard Gordon.
Maituturing na pagdinig na lang ng Chairman ng komite ang pag-iimbestiga sa nakalusot na P6.4 bilyong halaga ng shabu sa Bureau of Customs (BOC).
Parang solo na lang ni Gordon ang imbestigasyon at walang pagkakataon ang ibang Senador na makapagtanong sa resource person.
Pero bakit tameme o ayaw kumibo ng mga senador mula sa mayorya at tanging si Sen. Antonio Trillanes lang ang nakikipagbanggaan.
Kaya nga tinatawag na Senate inquiry ng komite at dapat lang na lahat ng miyembro ng komite ay binibigyan ng pagkakataon na makapagtanong at may limitasyon ang oras.
Mayroon lang na pribelehiyo ang Chairman na sumingit sa mga pagtatanong dahil siya ang magpi-preside ng pagdinig.
Kahapon sa pagdinig, binanggit ni Senate Majority Leader Vicente Tito Sotto na nalilihis na ang tunay na isyu sa pagdinig at ito ay ang pagkakalusot ng P6.4 bilyon na halaga ng illegal drugs sa BOC.
Pero kung susuriin at batay sa aking pagsubaybay, si Gordon ang naglihis ng isyu dahil siya ang gumisa sa Customs broker na si Marc Taguba at inusisa ang sistema ng “tara” kaugnay ng korapsiyon sa BOC.
Sana naman sa susunod na mga pagdinig ng komite sa Senado ay maiwasan ang mga ganitong pangyayari dahil pantay-pantay ang karapatan ng bawat senador na ibinoto ng taumbayan.