FLASH Report: Hindi lang si PNP chief Dir. Gen. Bato dela Rosa ang maging bundat kundi maging ang iba pang bisita sa darating na birthday celebration sa isang linggo ng manok ng una na si Supt. Ruben Ramos, ang hepe ng MPD-Station 1. Sa ngayon kasi, nag-iikot na ang enkargado ni Ramos na si PO3 Rizal Belmonte para ihirit sa gambling lords ang gastusin sa birthday ng una. Ang siste mga kosa, humihingi ng dobleng intelihensiya si Belmonte dahil birthday ni Ramos at kapag hindi makapagbigay ay huhulihin ang puwesto. Boom Panes! Kaya nag-iiyakan sa ngayon ang financiers ng illegal gambling sa Tondo na sakop ng Station 1 sa sobrang higpit na nga sa kanila, eh inaabuso pa sila. At dahil bukambibig niya si Bato, tiyak kukumbidahin ni Ramos itong una para mamantikaan naman ang bibig niya sa mga handa ng huli. Get’s n’yo mga kosa? T’yak babaha ang litsong baka at lechon Cebu sa birthday ni Ramos. Hak hak hak! Mabilis sa pitsa ang mag-among Ramos at Belmonte subalit pagdating sa kampanya ni Digong vs droga ay hanggang sa ngayon BOKYA pa sila. Dapat kasi trabaho muna bago pitsa. Tumpak!
• • • • • •
Marami ang nagtatanong kung ano ang nangyari sa PNP at maraming bagitong pulis ang sangkot sa mga krimen. Nitong huli lang ay ang kaso ni Kian Loyd delos Santos kung saan dalawa sa tatlong suspect ay rookie cops. ‘Yung mga naunang kaso ng sunud-sunod na extortion sa Quezon City at Manila at maging sa ibang bahagi ng bansa ay kadalasang rookie cops din ang sangkot. What went wrong with our police forces? ‘Yan po ang tanong na umiikot sa social media. Kung sabagay, maging si NCRPO chief Dir. Oscar Albayalde ay umaamin na maging sila man sa liderato ng PNP ay naguguluhan sa pagkasangkot ng rookie cops sa kaso. Sa tingin ni Albayalde, pitsa ang unang dahilan kung bakit puro extortion, kidnapping at iba pang pagkapitsaan ang lakad ng mga pulis sa ngayon. Ayon kay Albayalde, pinag-aralan din ng top brass ng PNP ang problema tungkol sa rookie cops at sa tingin nila ay nagmula ito sa recruitment process. ‘Ika nga may lagayan na nangyayari sa recruitment pa lang, lalo na sa neuro psychiatric test kaya kadalasan semplang ang rookie cops. Boom Panes! Ano sa tingin mo kosang Felix Vargas?
Karamihan pa sa mga bagitong pulis ngayon ay hindi mautusan kung walang pitsang sangkot ang kaso. Halimbawa, kapag inaya ng isang opisyal ang bagitong pulis sa isang trabaho, ang tanong kaagad ay “Meron ba ‘yan? At dahil graduate sila ng college, hindi sila takot na masibak dahil may fallback sila. Puwede silang maghanap ng panibagong trabaho. Kaya umugong noong panahon ni PNP chief Ric Marquez na amyendahan ang PNP law para ibalik sa 75 units ang puwedeng pumasok sa pagka-pulis. Itong kasing 75 units ay napatunayan na puro sunod sa mga utos dahil may pagmalasakit sila sa serbisyo at takot mawalan ng trabaho. Get’s mo kosang Felix? Kaya lang namatay na ang suhestiyon na ito ni Marquez at ewan ko lang kung napag-usapan ito ng top brass ni Bato. Sa totoo lang, mabilis namang pinarurusahan ni Bato ang mga sangkot sa extortion at ibang krimen dahil marami sa kanila ang natapon sa Basilan at ARMM subalit hindi nito napatigil ang mga ganung uri ng kaso, di ba mga kosa? Hak hak hak! Ang masama pa, ang ini-extort ng mga bagitong pulis ay ‘yung mga huli sa droga kaya sumasama ang dating ng war ni Digong vs illegal drugs.
Get’s n’yo mga kosa?
Hindi naman natutulog si Albayalde para gawan ng paraan para mareporma ang rogue cops. Kahit nahaharap na sila sa administrative case, ang lahat nang roque cops ay ipinasailalim sa tinatawag ni Albayalde na values at spiritual transformation para sipain nila ang kani-kanilang bad habits. ‘Ika nga, binibigyan sila nang pagkataong magbago para sa kani-kanilang pamilya at ‘yan ay kung hindi sila ma-dismiss sa police force. At ang mga nadismis naman ay hindi na binibigyan ng pagkataon na bumalik dahil magiging sakit ng ulo lang sila ng PNP leadership. Tumpak! Abangan!