NAPAKARAMING beses nang sumablay o pumapalpak si Assistant Secretary Mocha Uson ng Presidential Communications Operations Office (PCOO).
Pero patuloy sa posisyon si Mocha at malayang naka-kagalaw na tila kinukunsinti ito ng kanyang mga bossing lalo na si PCOO Secretary Martin Andanar.
Kung sabagay, hindi naman maaring kantiin man lang o tapikin ni Andanar si Mocha dahil baka ang isagot nya ay pareho lang naman sila na mara-ming kapalpakan.
Napapadalas ang napakaraming fake news na ipinakakalat ni Mocha na isang malaking kahihiyan dahil bilang isang opisyal ng gobyerno ay hindi dapat magkamali.
Isa sa pinakahuling fake news ni Mocha ay ang kanyang post sa social media na kanyang binabatikos sina Vice President Leni Robredo, Senators Bam Aquino at Risa Hontiveros na naunang dumalaw sa wake ng Grade 11 student na si Kian Loyd delos Santos na napatay ng mga pulis Caloocan sa isang anti-drug operations.
Ayon sa post ni Mocha, bakit hindi dalawin man lang nila Robredo, Aquino at Hontiveros ang burol ng isang pulis na namatay sa isang anti-drug operation.
Pero lumitaw ang katotohanan na noong isang taon pa namatay ang pulis. Isa palang fake news ang ginawa ni Mocha.
Maraming naunang fake news ang ginawa ni Mocha pero hindi nga dinidisiplina ng nakatataas na opisyal sa kanilang departamento.
Walang problema kung isang masugid na tagasuporta lang si Mocha at sibilyan.
Pero siya ngayon ay humahawak ng posisyon sa gobyerno bilang Assistant Secretary na ang sabihin nito na siya ay pinapasuweldo ng taumbayan.
Dapat naman, maging reponsable si Mocha tulad ng iba pang maraming opisyal sa gobyerno na pino ang pagkilos at umiiwas sa kapalpakan.