NAILIBING na kahapon si Kian Loyd delos Santos, ang 17 anyos at Grade 11 student na pinaniniwalaang biktima ng pag-abuso ng ilang kagawad ng Philippine National Police (PNP).
Marami ang nakiramay at nakisimpatya sa funeral march ni Kian.
Sana ay hindi mailibing ang kaso ni Kian at makamit ang hustisya sa lalong madaling panahon.
Dapat ay agad na makasuhan sa korte at maging mabilis ang pagparusa sa mga pulis na pumatay kay Kian. Kung ang pagbabasehan ay mga paunang imbestigasyon at testimonya, pinatay na parang hayop ang biktima.
Sa ngayon, napakaraming testigo at mayroong CCTV na kasama sa matibay na ebidensiya laban sa mga pulis.
Maituturing na simbolo ng mga nangyayaring extra-judicial killings (EJKs) si Kian. Kung mabibigyan agad siya ng hustisya, maaring bahagyang makabangon ang imahe ng PNP at hindi pagdududahan ang anti-illegal drug campaign ng gobyerno.
Panahon na upang kumilos ang PNP na pinuhin at ayusin ang police operations sa illegal drug campaign.
Sa ngayon, popular pa si Pres. Rodrigo Duterte kaya naman maaring napapakinabangan din ito ng PNP sa pangunguna ng hepe nito na si Director General Ronald dela Rosa.
Bukod dito, dapat tandaan ng mga pulis na ang termino ni President Duterte ay hanggang 2022 lang. Makalipas nito haharapin ng mga ito ang kaso at wala na sa poder ang mga nag utos sa kanila.
Umaasa ang publiko na magigising at mahihimasmasan na ang PNP sa pagpatay kay Kian dahil nakuha nitong supporta sa taumbayan.