PATULOY na nakararanas ng dungis sa imahe ng Philippine National Police (PNP) kaugnay ng pag-abuso sa mga isinasagawang police operations kaugnay ng anti-drug campaign ng gobyerno.
Ang pinakahuling pagsira sa imahe ng PNP ay ang pagkakapatay sa Grade 11 student na si Kian Loyd delos Santos matapos ang umano’y anti-drug operations sa Caloocan City.
Panahon na upang magsampol ang liderato ng PNP sa kanilang mga pulis na mapapatunayang umabuso.
Hindi ko sinasabing guilty na ang pulis na itinuturong bumaril kay Kian dahil ito ay idedepensa pa sa korte.
Pero kailangang ipakita ng pamunuan ng PNP sa pangunguna ni Director General Ronald dela Rosa na wala itong kinukunsinti sa anumang mga pag-abuso.
Bagama’t may ginagawang paglilinis daw ang PNP sa mga scalawags pero kadalasan ay ang mga nahuhuli at napaparusahan ay ang mga sangkot sa pangungotong at iba pang ilegal na gawain.
Ang hinahanap ngayon ng publiko ay ang pagdisiplina sa mga pulis na hinihinalang basta pumapatay na lang sa mga drug suspect kahit hindi nanlalaban.
Sa ngayon, mahigit isang taon na ang anti-drug campaign ng administrasyong Duterte, marahil ay walang magtatangkang drug suspect na lalaban pa sa pulis dahil alam ng mga ito na hindi sila sasantuhin.
Kaya naman malabong may manlalaban pa ngayon sa mga pulis kapag sila ay nahuli bagamat maaring may ilang insidente na talagang nanlaban sila.
Kung hindi maipaparamdam ng PNP ang seryosong pagdisiplina sa mga abusadong pulis, asahan na mahihirapan silang maisaayos ang imahe nito.