EDITORYAL - Baha dahil sa basura
HINDI pa rin nasosolusyunan ang baha sa maraming lugar sa Metro Manila. Sa kabila na sinasabi ng Metro Manila Development Autho-rity (MMDA) at Department of Public Works and Highways (DPWH) na nalinis na ang mga estero at imburnal, sumisigaw ang katotohanan na marami pa ring nakabara at ito ang dahilan kaya may pagbaha. At ang nakahihindik na katotohanan --- basura ang nakabara sa drainages at mga estero kaya walang katapusan ang pagbaha lalo na sa Maynila. Perwisyo pa rin ang baha.
Noong Sabado ng gabi, umulan nang malakas sa Maynila at Quezon City at nagdulot ito nang pagbaha. Naging dagat ang paligid ng Manila City Hall at maraming sasakyan ang gumapang sa matinding trapik. Maraming pasahero ang na-stranded dahil walang mga dyipni na makabiyahe dahil sa baha at trapik. Ang Taft Avenue ay hanggang tuhod ang tubig. Hindi rin makadaan sa Lagusnilad ang mga sasakyan. Bumaha rin sa España Blvd., Maceda at Blumentritt at ilang mababang kalsada sa Sampaloc at Sta. Cruz area.
Kinabukasan, nang humupa ang baha, tumambad ang maraming basura sa kalsada. Tinangay ito ng baha. Ang mga ito ang dahilan kaya mabilis ang pagtaas ng tubig. Dahil nakabara ang mga basura sa drainages, hindi makadaloy ang tubig baha. Lalong umapaw sa walang tigil na pag-ulan. Sa Roxas Blvd. nakita rin ang tambak ng basura na itinapon ng mga walang disiplinang vendors at mga namamasyal doon.
Umapaw din ang baha sa Araneta Avenue at sa Biak-na-Bato sa Santo Domingo, Quezon City. Hanggang dibdib ang tubig sa Roxas District sa QC pa rin. Naglutangan din ang mga basura sa mga estero roon.
Isa rin sa mga dahilan ng baha ay ang mga natu-yong semento na naiwan sa mga drainages. Karaniwang ang semento ay nagmula sa mga itinatayong condominium sa Maynila.
Maghigpit ang MMDA at DPWH sa mga magtatapon ng basura sa mga estero at drainages. Parusahan ang mga mahuhuli. Kastiguhin naman ng MMDA ang mga barangay chairman na hindi nililinis ang estero na nasa kanilang hurisdiksiyon.
- Latest