SA ngayon, nakatutok ang lahat sa umano’y katiwalian at iba’t ibang uri ng kolokohan sa Bureau of Customs (BOC).
Kahapon ay nagsagawa ng privilege speech si Sen. Panfilo Lacson at kanyang ibinunyag ang katiwalian sa BOC.
Nalantad na rin ang tinatawag na “tara system” sa isinagawang imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee.
Iba’t ibang prominenteng personalidad ang lumutang ang pangalan partikular ang Davao Group na isinasangkot si Davao City Vice Mayor Paolo Duterte.
Bukod dito, nasilip din sa imbestigasyon ng Senado na bil-yong piso ang nawawala sa kaban ng bayan dahil pinaghahatian ito ng mga tiwaling opisyal ng BOC.
Dapat ay maimbestigahan din ang BIR dahil matagal na rin ang mga lumalabas na ulat na may anomalya rin at katiwalian.
Ang modus naman sa BIR ay ang pagpapabawas ng babayarang buwis ng mga negosyante partikular sa assessment na malaki rin ang nawawala sa kaban ng bayan.
Kung magiging maayos lang ang koleksiyon ng buwis sa BOC at BIR ay hindi na kakailanganin na magpataw ng bagong buwis.
Hindi na kailangang isulong ang tax reform program na nakasalang sa dalawang kapulungan ng Kongreso.
Asahan natin na may mangyaring reporma sa BOC dahil sa pagkakatalaga ni dating PDEA Director Isidro Lapeña at matitigil ang katiwalian sa nasabing ahensiya.