SAAN mang departamento, dapat mayroong pananagutan ang pinuno nito sa anumang kapalpakan ng kanyang tauhan.
Isang halimbawa rito ay ang pahayag ni Agriculture Secretary Manny Piñol na handa siyang magbitiw sa puwesto sakaling lumala pa ang bird flu outbreak sa San Luis, Pampanga.
Ibig lang dito ng kalihim na tiyakin sa publiko na kontrolado niya ang sitwasyon at inaayos na ang lahat ng problema sa kanyang departamento.
Isang tunay na maginoo at hindi kapit tuko si Piñol sa kanyang puwesto.
Pero kailanman ay hindi natin ito nakita kay Presidential Communications Secretary Martin Andanar na napakarami nang kapalpakan sa kanyang departamento.
Kahit pabalat-bunga. ni hindi man lang narinig kay Andanar na siya ay handang magbitiw sakaling maulit ang kapalpakan sa kanyang departamento tulad sa mga nangyayari sa Philippine News Agency (PNA).
Kung sabagay, hindi kayang banggitin ito ni Andanar dahil siya mismo ay maraming sablay. Isa rito ang kanyang alegasyon na tumanggap ng $1,000 ang mga reporters sa Senado mula umano kay Senator Antonio Trillanes IV matapos ang isang press conference.
Kaya nga pinagbawalan na si Andanar na magsalita at magsilbing tagapagsalita ng Malacañang na hindi nangyari sa iba pang naging Communications Secretary o dating Press Secretary.
Hindi ko lang malaman kung bakit hindi pa pinapalitan si Andanar o baka naman sa sobrang kabaitan ni President Duterte ay nais niyang magkusa itong magbitiw.
“Kapit-tuko” na at nawala na ang delikadesa na sana ay laging namamayani sa mga opisyal ng gobyerno.