NOONG nakaraang taon, nasa ika-15 puwesto ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa pagiging worst airport sa Asia. Isa sa mga dahilan kung bakit kabilang ang NAIA sa worst airport ay dahil sa “tanim-bala” na nangyari rito noong panahon ng Aquino administration. Sunud-sunod ang insidente ng tanim-bala noong 2015 na pawang turista, balikbayan at overseas Filipino workers (OFWs) ang nabibiktima. Tinataniman ng bala ng mga corrupt airport personnel ang mga bagahe at peperahan nila ang mga biktima.
Nakadagdag sa pagiging worst ng NAIA ang hindi magandang serbisyo – maruming comfort room, walang upuan sa hintayan, mga bastos na personnel, kawalan ng signages at ang pinaka-matindi ay ang pagnanakaw na ginagawa ng baggage handlers.
Maraming beses nang may nanakawan sa NAIA na kagagawan ng mga baggage handlers at wala silang kadala-dala. Ang pinaka-latest na pangyayari ay nang pagnakawan ng apat na baggage handlers ang asawa ng Turhish Foreign Minister noong nakaraang linggo. Nagtungo sa bansa ang Foreign Minister kasama ang kanyang maybahay para dumalo sa ASEAN meeting. Nang magbalik sa kanilang bansa, natuklasan ng maybahay na nawawala ang kanyang mga mamahaling alahas sa baggage. Agad nilang nireport ang pangyayari.
Nahuli ang apat na magnanakaw sa NAIA. Nakuha sa locker ng isa sa baggage handlers, ang mga alahas. Sinampahan na sila ng kaso.
Ano pa ang magbibigay ng kahihiyan sa NAIA? Dapat magkaroon ng paglilinis sa NAIA. Ang paulit-ulit na pagnanakaw ay lalong magpapababa sa pagtingin sa NAIA. Nakakahiya na! Dapat nang matigil ang pagnanakaw sa airport.