EDITORYAL - Singaw pa lang daw ng corruption, sibak agad!
SABI ni President Rodrigo Duterte noong Abril, may maamoy lang daw siya kahit kaunting anomalya o corruption ng kanyang tauhan, sisibakin agad niya. Wala na raw kuwestiyun-kuwestiyon pa. Ganyan ang ginawa niya kay DILG Sec. Ismael Sueno na agad niyang sinibak sa puwesto. Nawalan siya ng tiwala kay Sueno makaraang umalingasaw ang balitang nagpayaman ito sa puwesto. May mga ari-arian umano itong hindi maipaliwanag kung paano nabili.
Makaraang sibakin si Sueno, sinibak din ni Duterte si Usec. Halmen Valdez na nagmula sa tanggapan ni Cabinet Sec. Leoncio Evasco Jr. Sinibak din ni Duterte si National Irrigation Administration (NIA) administrator Peter Laviña dahil sa corruption.
Noong nangangampanya pa si Duterte, ipinangako niya na walang puwang sa kanya ang katiwalian at malinis na gobyerno ang kanyang ihahandog sa sambayanan. Nagbabala na rin siya sa kanyang mga ini-appoint na huwag siyang hihiyain sapagkat maghihiwa-hiwalay sila. Hindi raw niya ito-tolerate ang mga kaalyado o kaibigan na gagawa ng corruption.
Pero nakapagtataka kung bakit walang bangis si Duterte sa nangyayaring kontrobersiya ngayon sa Bureau of Customs kung saan 600 kilos ng shabu mula China ang naipasok sa bansa at dinaan pa sa Customs mismo. Nagkakahalaga ang shabu ng P6.4 bilyon.
Malinaw na may mga nasuhulang opisyal ng Customs kung bakit nailusot ito. Hindi magkakalakas ng loob ang may-ari ng kargamento na idaan sa Customs kung walang kakapitan. Bakit sa kabila ng mga pangyayaring ito, nasa puwesto pa si Customs Commissioner Nicanor Faeldon na may responsibilidad dito.
Sumisingaw ang corruption sa Customs at tila hindi ito maamoy ng Presidente. Gaano karami pa ang dapat sumingaw bago may sibakin?
- Latest