DAPAT lamang imbestigahan ang mga alegasyon na tagong yaman laban kay Comelec chairman Andres Bautista.
Sa unang tingin ay isang hidwaan sa pagitan ng mag-asawa pero ang sangkot dito ay isang mataas na opisyal ng gobyerno.
Kung sabagay, may mga senador at kongresista na ang naghain ng resolusyon upang imbestigahan ang alegasyon ng umanoy nakaw na yaman ni Bautista.
Pero sana naman ay gawing sabay na ang imbestigasyon ng mga senador at huwag nang hiwalay ang pagdinig upang isahan na lang gayung ang Comelec chairman lang ang sentro ng imbestigasyon.
Sa ngayon, may iniuugnay na usaping pulitika sa alegasyong ito na ayon kay Bautista ay kanyang isisiwalat kung sino ang nasa likod nito.
Nauna rito, ibinunyag ni Patricia Paz Bautista na umano’y mayroong tagong yaman ang kanyang asawa na aabot sa halos P1 billion na hindi nakadeklara sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) noong 2016.
Pero mariing itinanggi ni Bautista ang alegasyong nakaw na yaman at handa raw siyang humarap sa anumang imbestigasyon maging ang impeachment.
Dapat ay maging maingat ang mga mambabatas sa pag-iimbestiga at makakabuting antabayanan din ang resulta ng imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) dahil maaring mauwi ito sa pulitika.
Isaalang-alang din ang kapakanan ng mga anak ng mga nag-aaway na mag-asawa at maging patas para lumitaw ang katotohanan. Kung mapatunayan na may nakaw na yaman, alamin kung saan ito galing at papanagutin ang mga sangkot dito.
Mahalagang mahalukay nang husto ang katotohanan sa nasabing sa imbestigasyon dahil maaring umabot ito sa usapin ng mga umano’y dayaan at lagayan sa panahon ng eleksiyon sa bansa.