DAPAT bantayan ng stakeholders ang Implementing Rules and Regulations (IRR) sa bagong batas sa libreng matrikula sa mga state universities and colleges (SUCs) sa buong bansa.
Baka naman kasi maging overacting ang mga babalangkas ng IRR tulad sa nangyari sa Anti-Distracted Driving Act na malinaw sa batas na ang tanging layunin ay ibawal ang paggamit mg cell phone pero napakarami ng naidagdag kaya muling nirebisa ito.
Batay sa bagong batas na Republic Act no. 10931 (The Universal Access to Quality Tertiary Education Act) ay libre ang matrikula at miscellaneous fee sa lahat ng SUCs kung saan ay maraming mahihirap na mamamayan ang makikinabang dito.
Dapat ay gawing simple lang ang IRR at ang pinakalayunin nito ay mabigyan nang libreng matrikula partikular ang mga mahihirap na mamamayan.
Dapat ay linawin kung sino lamang ang estudyante na kuwalipikado at kung sakto ba lahat o para lang sa mahihirap.
Sa mga mayaman o may kakayahan na magbayad ay makakabuting huwag ng makipagsiksikan sa mga SUCs at ipaubaya sa mga mahihirap.
Isang napakalaking hakbang ng gobyerno ang ganitong libreng matrikula sa kolehiyo dahil asahan natin na mas marami ngayong Pilipino ang magiging edukado at magbubunga upang mas produktibo ang mamamayan para sa mabilis na pag unlad nito.
Abangan na lang natin ang IRR at sa panig ng mga senador at kongresista ay nagbigay naman ng katiyakan na mapopondohan ang batas na ito na pakikinabangan ng masang Pinoy.