MATAGAL nang inirereklamo ng publiko ang mga towing service firm na nakakuha ng akreditasyon sa Metro Manila Development Authority (MMDA).
Sobrang abusado ang mga tauhan ng towing service firm na tila hindi man lang dumaan sa training at ang nasa isipan ay humatak nang humatak dahil sa kita.
Iba’t ibang eksena ang ginagawa ng mga barumbado sa kalye na may bitbit na mga tow truck.
Isa sa pinakahuling insidente ng pag-abuso ay ang pagtanggal ng hose sa ilalim ng sasakyan na kumukonekta sa gasolina kaya awtomatikong titirik ang sasakyan.
Marami pang eksena na kahit nasa loob pa ang driver ng isang sasakyan ay hinahatak na ito ng mga towing service firm.
Hindi alam ng mga ito na prayoridad ang public service o tumulong sa mga motorista kapag nasiraan maliban na lang kung talagang pumarada sa bawal at towing zone.
Ayon kay MMDA Chairman Danny Lim, ikinokonsidera nito na ipahawak sa mga malala-king towing service firm na mas professional kaysa sa mga maliliit na kompanya na nakikitaan ng pag-abuso.
Para sa akin, mas makabubuting ang MMDA mismo ang mangasiwa sa towing at maari naman itong bumili ng sariling tow truck.
Kung MMDA mismo ang mangangasiwa nito, maiiwasan ang pag-abuso at kung meron man ay agad nilang maaaksiyunan. Mas madaling maghabol ang publiko kung mali ang paghila ng MMDA sa mga sasakyan.