Lalakas ang loob ng mga pulis para umabuso
BINUSISI kahapon ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs ang nakakagulat na hakbang ni Pres. Rodrigo Duterte na agad ibalik sa serbisyo si Supt. Marvin Marcos.
Sa nasabing pagdinig na pinamunuan ni Sen. Panfilo Lacson, lumitaw ang hinala na mayroong cover up sa kaso ni Marcos kaya ibinaba ng Department of Justice (DOJ) ang kasong murder sa homicide.
Dahil dito, nabigyan ng pagkakataon si Marcos at kasamahan nito na makapagpiyansa at makalaya.
Pero iginiit ni PNP chief Director General Ronald “Bato” dela Rosa na wala itong masamang epekto sa imahe ng pambansang pulisya.
Sa katunayan, magpapataas daw ng morale ng mga pulis ang nangyari kay Marcos at mga kasamahan nito. Mismong ang National Bureau of Investigation (NBI) ay nagrekomenda ng kasong murder sa grupo ni Marcos kaugnay ng pagpatay kay Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa sa loob ng bilangguan.
Sabi ni Dela Rosa, lubos na naipapakita at naipaparamdam ni Duterte ang pagkalinga sa mga pulis.
Maaring tama ang gawing pagtatanggol ng Presidente bilang commander- in-chief ng AFP at PNP pero sa mga pulis na matino at maayos na tumutupad sa kanilang tungkulin.
Pero kung illegal at pag-abuso sa tungkulin ang ginagawa ng pulis at sundalo ay hindi nararapat na ito ay ipagtanggol at kunsintihin.
Hindi sa pagtaas ng morale kundi baka lalong lumakas lang ang loob ng mga pulis na gumawa ng kalokohan at umabuso dahil alam nila na kahit mali ay maaring kanlungin tulad ng ginawa kina Marcos.
Ang nakakatakot, magsisilbing halimbawa ang kaso ni Marcos sa iba pang pulis na masasangkot sa katiwalian o pag-abuso.
- Latest