EDITORYAL - Alisin ang mga sagabal sa kalsada
ISA sa mga ipinag-utos ni Pres. Rodrigo Duterte sa Metro Manila Development Authority (MMDA) ay ang linisin ang mga kalsada sa anumang sagabal na nagpapasikip sa trapiko. Lahat nang kalsada at mga daan ay kailangang walang nakahambalang na mga bagay na nakakaabala sa daloy ng trapiko. Ang utos ni Duterte ay sinabi niya sa kanyang ikalawang State of the Nation Address (SONA) noong Lunes.
Palubha nang palubha ang trapik sa Metro Manila at tila wala nang magawang paraan para ito masolusyunan. Ang dating 15 minutes na biyahe mula Trinoma patungong Cubao ay isang oras na dahil hindi na umuusad ang mga sasakyan. Nagmistulang malaking parking area ang kahabaan ng EDSA. Mula Cubao patungong Ortigas ay isang oras ang kailangang bunuin na dati ay 15 o 20 minutes lang nilalakbay. Mula Ortigas hanggang Guadalupe ay kalahating oras ang ginugugol na dati ay 10 minuto lang takbuhin. Malupit din ang trapik mula Guadalupe patungong Buendia-Ayala na usad-pagong ang mga sasakyan na inaabot ng kulang-kulang na isang oras.
Isa sa mga nakikitang dahilan ng trapik hindi lamang sa EDSA kundi pati na rin sa mga malala-king kalsada sa Metro Manila ay ang mga sagabal na sasakyan na nakaparada sa magkabilang gilid ng daan. Wala nang pakialam ang mga residente kung mag-park ng kanilang sasakyan sa kalsada. Bukod sa mga sasakyan, naghambalang din ang mga tindahan, karinderya na inookupa ang buong kalsada. May mga nagtayo ng carwash sa mismong kalsada samantalang ang iba ay naglagay ng basketball court at iba pang mga istruktura.
Malaking hamon kay MMDA Chairman Danilo Lim ang kautusan ng Presidente. Ngayong nanggaling na mismo sa bibig ni Duterte ang utos, dapat ipatupad niya ito. Simulan na ang puspusang pagbaklas o pagbuwag sa mga balakid sa kalsada na nagiging dahilan ng trapik. Solusyunan na ang pesteng trapik!
- Latest