BAGAMA’T ang nais ng Malacañang ay maging simple lang ang State of the Nation Address (SONA) ni Pres. Rodrigo Duterte ay hindi pa rin ito naiwasan.
Sa mga dumalo na mambabatas at iba pang bisita sa SONA, bagama’t hindi gown, kitang-kita sa mga bestida o kasuotan ng mga mambabatas lalo na ang mga kababaihan ang karangyaan.
Pero ang nakakatawag-pansin sa SONA 2017 ay ang estilo ni Director Brillante Mendoza habang nagtatalumpati si Duterte.
Bakit kailangan pang artehan ang anggulo ng camera o kuha sa Presidente habang nagtatalumpati?
Nagawa pang i-focus sa camera ang mukha ni Duterte na hindi naman yata kailangan na makita ng manonood.
Ang pinaka-importante sa SONA ay ang mensahe ng Presidentesa publiko o ulat sa bayan.
Hindi naman pelikula ang SONA upang paikut-ikutin ang anggulo ng camera habang nagtatalumpati ang Presidente.
Hindi lang dapat sa mga kasuutan ang gawing simple sa SONA kundi pati na rin ang mismong mga kuha ng camera ng Presidente ay gawing simple na makita at mapakinggan lang ang sustansiya ng talumpati.
Hindi na kailangan pa ang director sa SONA dahil kung tutuusin ay mas magagaling pa ang mga kagawad ng Radio-Television Malacañang (RTVM) na nakatoka sa lahat ng pagkuha ng video o larawan sa anumang official engagements ng Presidente.