EDITORYAL - Alisin ang picture sa government offices
NAKAUGALIAN na sa mga tanggapan ng pamahalaan na nakasabit o nakadispley ang picture ng Presidente ng bansa. Kahit sa lobby ay mayroon ding nakasabit na picture at lalo na sa tanggapan ng barangay. Ito ang ayaw ni Pres. Rodrigo Duterte. Kaya ang utos niya, alisin ang kanyang picture na nakasabit sa mga tanggapan ng pamahalaan, silid-aralan, aklatan at iba pang pampublikong lugar. Sa halip daw na picture niya, mga picture ng bayani ang isabit. Kahangalan para sa kanya ang pagsasabit ng pictures ng mga pulitiko sa tanggapan ng pamahalaan. Noong siya pa raw ang mayor ng Davao, mahigpit niyang pinag-utos na huwag maglalagay ng kanyang pictures at iba pang pulitiko sa tanggapan. Isang decree umano ang kanyang iisyu para ganap na maipatupad ang kanyang kautusan na huwag maglalagay ng picture ng mga pulitiko sa mga tanggapan ng pamahalaan. Katwiran ng Presidente, may mga pulitikong nakadispley ang picture sa mga tanggapan o silid-aralan pero mga corrupt naman at ilang ulit nang nakasuhan ng graft and corruption. Mas maganda kung mga bayaning Pilipino ang ilalagay para ganap na makilala ng mga bata ang mga ito.
Napapanahon ang kautusan ni Duterte lalo na ngayon na kahit saan tumingin ay makikita ang mukha ng pulitiko. Maski sa mga kalye, bumubulaga ang mga malalaking larawan ng pulitiko na nakadikit sa mga proyektong ginastusan mula sa buwis ng mamamayan. Maski sa mga ambulansiya, pedicab at ibang pampublikong sasakyan ay makikita ang mga picture ng pulitiko. Dagdag ni Duterte, kung gustong magdispley ng kanilang picture ang mga pulitiko, sa salas na lang ng kanilang bahay ilagay.
Tuparin ng Presidente ang sinabing mag-iisyu ng decree na nagbabawal sa paglalagay ng picture ng pulitiko o maski Cabinet officials sa mga tanggapan. Panahon na para matuldukan ang katunggakan ng mga pulitiko at Cabinet officials na mahilig magdispley ng kanilang pictures. Itigil na ang ganitong kaugalian.
- Latest