Paglawig ng martial law
SA botong 261-18 ay inaprubahan ng dalawang Kapulungan ng Kongreso ang hiniling ni Pres. Rodrigo Duterte na palawigin pa ng limang buwan o hanggang December 31, 2017 ang pagpapairal ng martial law sa buong Mindanao.
Nakuha ng Presidente ang pagsang-ayon ng mayorya ng mga Senador at Kongresista na inaasahan naman ng lahat.
Dahil dito, walang magagawa ang mga kritiko ng martial law at malabo na rin na maghabol pa sa Korte Suprema dahil naunang nagbigay na ito ng legalidad.
Ang kabutihan lang ng martial law na pinaiiral ay suportado mismo ng mga taga-Mindanao na hindi naman dapat pakialaman o harangin pa ng mga taga-Luzon at Visayas.
Bukod dito, mismong ang Commission on Human Rights (CHR) ay nagkumpirma na wala pang naitatalang paglabag sa karapatang pantao ang mga sundalong nagpapatupad ng martial law.
Kaya naman mabilis na nakalusot ang hiling na pagpapalawig ng martial law ay dahil maayos ang pangangasiwa rito bagamat ang malungkot ay maraming buhay na rin nawala sa panig ng sundalo at sibilyan dahil sa bakbakan sa Marawi City laban sa Maute group.
Sa kasalukuyan ay ang magandang gawin na lamang ng mga tutol sa martial law ay magbantay sa mga posibleng pag-abuso sa karapatang pantao.
Pero naniniwala ako na malabong umabuso ang mga sundalo dahil sa mismong ang mga taga-media ay magbabantay at nakamasid sa bawat kaganapan sa Mindanao lalo na sa lugar na may giyera.
Malayung-malayo ang kasalukung martial law kumpara sa ipinatupad noon ni Pres. Ferdinand Marcos.
Sa martial law ni Marcos ay sinikil ang kalayaan sa pamamahayag kaya nagkaroon ng mga pag-abuso samantalang ngayon ay bawat kilos ng mga sundalo ay may nagmamasid sa pangunguna ng media.
Umaasa na lang tayo na bukod sa Maute group ay mawawakasan na rin ng gobyerno ang iba pang problema sa Mindanao tulad sa insurhensiya, terorismo at iba pang karumal-dumal na aktibidad ng mga bandidong grupo.
- Latest