KAHAPON, sinabi ni President Rodrigo Duterte na pagkatapos ng pakikipaggiyera sa Maute sa Marawi, ang New People’s Army (NPA) naman ang haharapin ng mga sundalo. Ang banta ay sinabi ng Presidente kasunod nang mga ginagawang pagsa-lakay ng NPA sa mga sundalo. Noong Miyerkules, sinabi ni Duterte na ititigil na ang peace talks sa Communist Party of the Philippines (CPP). Ito ay kasunod nang pag-ambush ng NPA sa mga mi-yembro ng Presidential Security Group (PSG) sa Arakan, North Cotabato na ikinamatay ng isa at ikinasugat ng limang iba pa. Halos kasabay nang pag-ambush sa PSG, dalawang Marines naman ang pinatay ng NPA sa Palawan.
Sana nga, totoo na ang sinabi ni Duterte na ititigil na ang pakikipag-usap at hindi pawang pagbabanta lamang. Maraming beses nang sinabi ng Presidente na wala nang pakikipag-usap sa mga komunista pero makaraan ang ilang araw, magbabago na naman siya ng posisyon at handa na raw uling makipag-usap. Ipakita sana niya ang paninindigan sa isyu.
Marami nang paglabag ang NPA. Hindi pa natatagalan nang salakayin ng 40 NPA rebels ang police station sa Maasin at dinisarmahan ang mga pulis. Kinuha ang walong M-16 rifles at siyam na Glock 9mm pistols. Halos kasabay nang pagsalakay sa Maasin, isang army truck ang inambus ng mga NPA sa Catanauan, Quezon na ikinasugat ng dalawang sundalo.
Huwag nang makipag-usap sa CPP sapagkat sa-yang lamang ang oras. Nagpapakita lamang na wala nang control ang communist group sa kanilang military arm. Bukod sa pag-ambush, nanghihingi pa ng revolutionary tax ang NPA at kapag hindi nagbigay, sinusunog ang mga bus, bodega at iba pa. Wala na ring ipinagkaiba ang NPA sa mga terorista kaya dapat huwag nang makipag-negosasyon sa kanila. Sayang ang panahon at perang ginagastos para sa peace talk na walang kinahihinatnan.