EDITORYAL - Buhayin ang Mamasapano
SABI ni Sen. Richard Gordon, maaaring buksan ng Senado ang Mamasapano massacre case. At kung mangyayari ito, maaaring imbitahan nila si dating President Noynoy Aquino para magbigay-linaw.
Ang pasya ng Senado ukol sa Mamasapano ay nag-ugat nang ipag-utos ni Ombudsman Conchita Carpio Morales sa Sandiganbayan na sampahan ng criminal charges (usurpation of authority at graft) si Aquino dahil sa pagpapahintulot nang noon ay suspended PNP chief Alan Purisima at SAF Director Getulio Napeñas na isagawa ang operasyon sa pag-aresto sa dalawang international terrorists sa Maguindanao. Pero sabi naman ni Pres. Rodrigo Duterte ukol dito, malabong makasuhan si Aquino.
Kung nais ng Senado na mahukay ang katotohanan ukol sa Mamasapano, gawin nila ang inaakalang nararapat. Baka magkaroon na ng konklusyon ang kasong ito. Baka mayroon nang maparusahan sa gagawin nilang pag-iimbestiga at matahimik na ang mga kaanak ng 44 na Special Action Force (SAF) commandos na napatay noong Enero 25, 2015 sa Bgy. Tukanalipao. Mamasapano, Maguindanao.
Sa ginawang operasyon, napatay ang teroristang si Marwan subalit nasukol naman ng mga rebeldeng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang SAF 44 sa isang maisan sa Tukanalipao. Brutal ang pagpatay sa 44 na kahit nakabulagta na ay binabaril pa at tinataga. Pagkatapos patayin, ninakaw ang mga baril, uniporme, cell phone, pera at iba pang gamit ng SAF commandos.
Nagkaroon ng imbestigasyon ang Senado noong Enero 2016 subalit nauwi sa pagtuturuan ang lahat. Nagturuan ang military general at mga dating opisyal ng Philippine National Police na may kinalaman sa “Oplan Exodus”. Ayon sa military general, hindi nakipag-coordinate sa kanila ang hepe ng SAF kaya hindi napadalhan ng tulong habang nakikipagbakbakan sa MILF at BIFF. Pero itinanggi iyon ng da-ting hepe, maaga pa lamang ay humingi na siya ng artillery support sa AFP. Pero walang dumating na tulong. Pitong oras nakipaglaban ang SAF 44 sa MILF at BIFF. Hinayaang patayin ang police commandos.
Kung ang pagbuhay sa kaso ang magiging susi para malaman ang katotohanan gawin ito. Sana, magkaroon na ito ng closure.
- Latest