EDITORYAL - Bawal nang magyosi

SA Biyernes ay bawal nang manigarilyo sa pampublikong lugar maging sa loob ng gusali, plasa at palengke. Kapag nahuling naninigarilyo ang indibidwal, magmumulta ng P500 hanggang P10,000. Ang mga may-ari ng gusali na hindi susunod sa kautusan ay pagmumultahin ng P5,000 at maaring makulong.

Nilagdaan ni Pres. Rodrigo Duterte ang Executive Order 26 noong Mayo. Sa kautusan, mahigpit na ipinagbabawal ang paninigarilyo sa mga lugar na pampubliko at sa loob ng mga gusali. Sa mga designated smoking areas lamang makakapanigarilyo. Sakop din ng kautusan ang pagbabawal sa mga menor-de-edad na manigarilyo at magtinda ng sigarilyo. Bawal ding magtinda ng sigarilyo sa mga lugar na kadalasang pinupuntahan ng mga menor-de-edad. Hinihikayat naman ang local government units (LGUs) na ipatupad ang pagbabawal sa paninigarilyo. Ang mga opisyal ng LGUs na hindi magpapatupad ng kautusan ay “hihiyain” ng Department of Health (DOH). Nararapat umanong manguna ang LGUs sa pagpapatupad ng batas.

Ayon sa DOH, pangunahing dahilan kaya ibinawal ang paninigariluyo ay upang makaiwas sa pagkakasakit ang mamamayan. Ang second hand smoke ay mas matindi ang epekto sa mga nakalalanghap nito.

Ayon sa World Health Organization (WHO), limang milyong tao ang namamatay taun-taon at maaaring lomobo ito sa walong milyon sa pagdating ng 2030 kung hindi magkakaroon nang seryosong kampanya sa paninigarilyo. Ang mga sakit na nakukuha sa paninigarilyo ay hypertension, heart attack, stroke, cancer at lung disease.

Sa kasalukyan, tinatayang 14 na milyong Pinoy ang may hypertension dahil sa paninigarilyo. Marami rin ang may chronic obstruction pulmonary disease (COPD).

Isa sa dapat gawin ng pamahalaan para mapigilan ang paninigarilyo ay itaas ang presyo ng sigarilyo. Kung maaari, gawing P500 ang isang kaha para ma-discouraged ang mga nagyoyosi.

Hindi dapat maging dekorasyon ang EO 26. Ipatupad ito at hindi dapat ningas-kugon sa pagkakataong ito.

Show comments