MARAMI na ring kababayan natin ang naoperahan sa apdo o tinanggal ang apdo dahil sa pagkakaroon ng mga namuong bato sa loob nito. Mapa-lalaki o babae ay puwedeng magkaroon ng gallstones o batong namuo sa apdo.
Bakit kailangang tanggalin ang apdo kapag may mga namuong bato?
Puwede kasing makaalpas ang batong nandoon palabas ng apdo. Dadaan yun sa tubong palabas sa apdo at puwedeng magbara. Kung ang naturang pagbabara ay natagalan at nanatili roon, nagiging inflamed na ang apdo. Mamamaga ang apdo at hindi ito maganda! Puwede kasing dumami ang bacteria sa lugar na ito at magkaroon ng impeksiyon. Nagiging delikado ang kondisyon kapag may impeksiyon na. Puwedeng lagnatin ang pasyente.
Makatutulong ang ultrasound para makatiyak kung may bato nga sa apdo. Posibleng gawin pa ang ibang tests gaya ng MRI, CT scan, at ERCP. Bahala na ang doctor na magbigay ng request kung kakailanganin pa ito.
Paano ito ginagamot? Ang mga bato sa apdo na hindi naman nagdudulot ng anumang sintoma ay hindi na nangangailangan pang gamutin. Pero kung ang batong ito ay nagdudulot ng pabalik-balik na atake ng pangingirot sa naturang lugar, puwedeng isagawa ang pagtatanggal sa apdo. Cholecsytectomy ang tawag sa operasyon para tanggalin ang apdo.
Kapag natanggal na ang apdo, wala na rin ang atake ng biliary colic. Hindi totoong naaapektuhan ang kakayahan nating lumusaw ng pagkain kapag tinanggal na ang apdo. Mayroon na ring operasyon ngayon na hindi na kinakailangan ang malaking hiwa sa tiyan. Kahit maliit lamang ang hiwa, nagpapasok ng instrument na kung tawagin ay “laparoscope.”
Mas madalas nang ginagawa ngayon ang “laparoscopic gallbladder surgery.” Mas maikli ang nagiging hospital stay, mas mabilis din ang recovery ng pasyente, at di hamak na maliit ang nalilikhang pilat na dulot ng operasyon. Mas magandang tingnan ang ating tiyan matapos maoperahan.
Kahit pa may mga gamot na sinasabing nakalulusaw daw ng bato sa apdo, higit pa ring maigi ang operasyon kaysa rito.
Puwedeng mamuhay nang normal kahit walang apdo. Marami na ang natanggalan ng apdo pero nananatiling malusog ang pangangatawan. Bawasan na lamang ang pagkain ng matataba.