ISANG malaking babala sa ating lahat ang nangyaring lindol sa Leyte na nagtala ng 6.5 magnitude.
Sa pinakahuling balita, dalawang katao ang naitalang patay sa lindol at isang commercial building at ilang kabahayan ang bumagsak o gumuho.
Dahil dito ay dapat ay makiisa ang bawat mamamayan sa mga idinadaos na earthquake drill na naglalayong mabigyan ng tamang impormasyon ang publiko upang makaligtas o makaiwas sa anumang sakuna sakaling dumating ang lindol.
Isa sa pinangangambahan ay ang malakas na pagtama ng lindol dito sa Metro Manila dahil inaasahang mas malawak ang pinsala at maraming tao ang posibleng mawalan ng buhay.
Bukod sa mga earthquake drill na isinasagawa ng gobyerno ay napapanahon na upang bawat sambahayan ay matuto na maghanda sa lindol.
Bawat miyembro ng pamilya ay kailangan malaman ang gagawin sakaling dumating ang lindol.
Ibat ibang eksena ang dapat gawing pagsasanay at halimbawa pa kung ito ay mangyari sa gabi habang mahimbing ang tulog ng lahat at ang eksena sa labas ng bahay.
Bukod sa mamamayan ay dapat magsanay din ang lahat ng ahensiya ng gobyerno na mabilis na mag-responde sa mga biktima sakaling tumama na ang malakas na lindol dito sa Metro Manila.
Isa sa pinaka importante ay ang mabilis na pagkilos ng mga ahensiya ng gobyerno at iba pang non-governmental organization na tradisyon ng tumutulong sa mga biktima ng kalamidad.
Manalangin tayong lahat na huwag ng tumama ang kinatatakutang the Big One o malakas na lindol dito sa Metro Manila pero laging handa ang lahat dito anuman ang mangyari.