EDITORYAL - Mag-ingat sa dengue at leptospirosis
TUWING hapon at sa gabi ay nararanasan na ang pag-ulan at sabi ng PAGASA, asahan na ang sunud-sunod na pag-ulan sa mga susunod na araw. Ayon pa rin sa weather bureau, 20 bagyo ang inaasahang papasok sa bansa ngayong 2017.
Kamakalawa ay bumuhos ang malakas na ulan sa Maynila, Quezon City at Makati. At bumaha agad. Maraming mabababang lugar ang umapaw sa baha. At kung may baha, tiyak na may mga sakit itong dala. Tiyak lalaganap ang dengue at leptospirosis. Ang dalawang sakit na ito ay lubhang delikado at dapat mag-ingat ang mamamayan.
Ang dengue ay nakukuha sa kagat ng lamok na Aedes Aegypti. Mabilis dumami ang mga lamok na ito. Madaling makikilala ang Aedes Aegypti dahil batik-batik ang katawan. Kadalasang sa araw ito nangangagat. Karaniwang biktima ng lamok ay mga bata. Sintomas ng dengue ang lagnat, pagkakaroon ng pantal-pantal sa balat, pananakit ng ulo at kasu-kasuan, lagnat at pagsusuka.ang panahon ng mga sakit na nananalasa sa tag-ulan.
Ang paglilinis sa kapaligiran ang panlaban sa mga lamok na may dengue.
Itapon ang mga basyong bote at lata, tinapyas na gulong ng sasakyan, mga paso ng halaman at marami pang iba na paboritong tirahan ng mga lamok. Linisin din ang mga kanal na hindi umaagos ang tubig.
Ang leptospirosis ay nakukuha kapag naglakad sa baha ang taong may sugat sa paa o binti. Kung may sugat, posibleng dito pumasok ang mikrobyong leptospira na nagdadala ng leptospirosis.
Ang mga sintomas ng leptospirosis ay lagnat, nahihirapang umihi, naninilaw ang balat at namumula ang mga mata. Karaniwang lumalabas ang sintomas makaraan ang pitong araw. Kailangang dalhin agad sa doktor ang biktima sapagkat maaari itong mamatay.
Magtulung-tulong sa paglipol sa mga daga na naghahatid ng leptospirosis. Ang unang hakbang ay ang pagpapanatili ng kalinisan sa paligid at sa loob ng bahay. Kung malinis at nasa ayos ang pagtatapon ng basura, walang mabubuhay na daga.
Mag-ingat sa dengue at leptospirosis na nananalasa ngayong tag-ulan. Huwag hayaang mabiktima ng mga sakit na ito.
- Latest