ANG New People’s Army (NPA) ang military arm ng Communist Party of the Philippines (CPP)-National Democratic Front (NDF). Ito ang kanilang hukbo na madalas makasagupa ng government soldiers. Matagal na ang pakikipaglaban ng NPA laban sa gobyerno. Hanggang sa magkaroon ng puwang ang pag-uusap ng gobyerno at makakaliwang grupo para matapos na ang sigalot. Pero sa kabila na nag-uusap ang magkabilang panig, patuloy naman sa pagsalakay ang NPA sa mga sundalo. Hindi na sila sumusunod sa pinag-uusapan at walang pinaniniwalaang tigil-putukan.
Nang ideklara ni President Rodrigo Duterte ang martial law sa Mindanao noong nakaraang linggo umapela siya sa NPA na huwag sumalakay sa mga sundalo sapagkat ang mga teroristang Maute ang talagang pakay ng mga ito. Pero hindi nakinig ang mga rebeldeng komunista at nagsasagawa pa rin ng pagsalakay sa mga sundalo kahit ilang beses nang sinabing hindi kasama ang mga ito sa proklamasyon ng martial law.
Ang patuloy na pagsalakay ng NPA ang naging dahilan para kanselahin ng gobyerno ang ikalimang round ng peace negotiations sa CPP-NDF na tinakdang gaganapin sana sa Netherlands noong Sabado (Mayo 27) at tatagal hanggang ngayon (Hunyo 1). Ang suspensiyon ng pag-uusap ay ikalawa na ngayong taon. Unang sinuspende ang pag-uusap noong Pebrero makaraan ang sunud-sunod na pananambang ng New People’s Army (NPA) sa mga sundalo. Pinababalik na ni Duterte sa barracks ang mga sundalo at pinalilinis na ang mga baril para makipagsagupa sa NPA. Pero napapayag muli ang gobyerno at nagkasundo muli sa pag-uusap noong Abril. Pero eto na naman, muling nagpakita ng katigasan ng ulo ang NPA at nagsasagawa ng mga pagsalakay kahit pa nga nakiusap na si Duterte.
Makabubuti kung itigil na ang pag-uusap sapagkat walang kahahantungan. Hindi na kontrolado ng CPP-NDF ang NPA. Ano ang mararating ng pag-uusap na mayroong nagtatraidor? Nagsasayang lamang ng oras ang magkabilang panig kung magpapatuloy sa pag-uusap.