SAMPUNG taon nang kasal ang mag-asawang Joseph at Ladel nang sumama sa ibang lalaki si Ladel. Iniwan niya ang dalawang anak sa kalinga ni Joseph. Nakatatlong palit ng girlfriends si Joseph hanggang nagpasya siyang makisama sa isang babaeng sampung taon ang tanda sa kanya, si Guada. Marami ang nagtaka. Ang babae ay walang ganda, walang pera, pero bakit pinakisamahan ito ni Joseph? Nanatiling big question mark ang lahat. Kahit ang mismong si Joseph ay hindi masagot ito. Minsan, sabi niya, masipag daw kasing maghanapbuhay ang babae. Basta’t marangal, kahit ang pamumulot ng basura ay kaya niyang pasukin.
Ang relasyon ng dalawa ay nagpatuloy sa kabila ng pagi-ging mataray, dominante, selosa, at iba pang walang urbanidad na ugali ni Guada. Pagkaraan ng dalawang dekada, sina Joseph at Ladel ay nagkita. Noong panahong iyon, hiwalay na si Ladel sa kanyang kalaguyo. Nagkasabikan, nag-motel, nagkasundong magkabalikan ang naghiwalay na mag-asawa. Hindi nagdalawang isip na layasan ni Joseph ang kanyang matandang kinakasama.
Karmic relationship ang nangyari kina Joseph at Guada. Tinatawag na karmic relationship ang isang pagsasama kung ang isang partner ay may masamang inuugali sa kanyang partner. Sa previous life, maaaring sila ay magkarelasyon din ngunit ang nang-iwan ay si Guada. Hindi matatapos ang karma hangga’t hindi pinagbabayaran ni Guada ang kanyang ginawa. Sa present life, si Guada naman ang iniwan ng kanyang karelasyon kaya’t nakabayad na siya. Nagamot na ang kanyang kaluluwa. Kung mabubuhay muli sa future life ang kaluluwa ni Guada, magiging masaya na ang kanyang lovelife.
Sa kabilang dako, ang tawag sa naging relasyon nina Joseph at Ladel ay Twin flame relationship. Iba ito sa soulmate. Ang soulmate puwedeng parents mo, kapatid friend, etc. Ang twin flame soul mate ay sa romantic love lang natatagpuan. Twin flame relationship ang kina Joseph at Ladel dahil sa kabila ng pagkakahiwalay at pagkakaroon ng ibang karelasyon, naroon pa rin ang pagmamahalan nila. Sa karmic relationship, walang pagbabalikang nagaganap.