NAGTIPUN-TIPON ang mga tao sa bangin ng isang bundok sa France upang panoorin ang pagtawid sa lubid ng isang 27 anyos na estudyante mula Germany.
Inabot si Friedrich Kuhne ng 2 oras bago niya nagawang tawirin ang 1,600 metrong lubid na nakasabit ang mga dulo sa dalawang bundok.
Hindi natapos ni Kuhne ang buong kahabaan ng lubid dahil nahulog siya 100 metro mula sa finish line ngunit sa kabila nito ay nakapagtala pa rin siya ng isang bagong world record.
Nasa 800 metro lang kasi ang dating world record at halos doble nito ang nagawang tawirin ni Kuhne sa gitna ng dalawang bundok.
Sa sobrang haba ng lubid na tinawiran ni Kuhne ay aabot raw sa 300 hanggang 400 kilo ang bigat nito, ayon sa mga organisers ng world record attempt.
Mas mahirap din daw ang ginawa ni Kuhne kaysa sa pagtawid sa tightrope dahil maluwag ang pagkakasabit ng lubid na kanyang pinagbalansehan kaya kaunting galaw lang ay gumegewang na ito.