ANG itlog ng mga lalaking sanggol ay karaniwang nadedebelop sa loob ng tiyan, malapit sa kinalalagyan ng kidney. Bago ipanganak ang sanggol na lalaki, maglalakbay ang naturang itlog pababa patungo sa supot na nakalawit (scrotum). Pero sa ilang kadahilanan, may mga itlog na hindi nakuhang makarating sa destinasyon nitong scrotum. Na-delay ang kanilang pagbaba. Kaya walang nakapangitlog nang sila ay ipanganak. O kaya’y iisa lang ang itlog.
Bakit mahalagang nakababa ang mga itlog na ito?
Sobrang init sa loob ng ating tiyan. Kapag kinuha natin ang temperatura ng katawan, humigit-kumulang na nasa 37 degree centigrade ito. Masyadong mainit ang naturang temperature para sa malusog na produksyon ng sperm cells. Ang produksyon ng malulusog na sperm cells ay mangyayari lamang kapag ang temperature nito ay mas mababa kaysa sa temperature ng ating katawan. Matalino talaga ang ating Manlilikha. Naglagay Siya ng scrotum sa mga kalalakihan upang doon ay ganapin ang malusog na produksyon ng sperm cells. Mamamatay ang lahat ng sperm cells kung walang scrotum at nanatili lamang ang itlog sa loob ng tiyan.
Kahit isang itlog lamang ay may kakayahan nang magpundar ng sapat na dami ng sperm cells at panlalaking hormonang testosterone. Pero siyempre, mas maganda kung ang dalawang itlog ay nasa dapat nitong kalagyan.
Puwede pa tayong maghintay ng isang taon para sa pagbaba ng itlog. Maaari kasing na-delay lamang ang pagbaba nito sa scrotum. Pero kapag umabot na ng isang taon at wala pa ring nakakapang itlog sa kabilang scrotum, baka kailangan nang isaayos ito sa pamamagitan ng operasyon. Ligtas naman ang operasyong ginagawa para rito.
Delikado ba ang ganitong kondisyon ng mga sanggol na lalaki? Hindi ito delikado sa mga batang wala pang isang taong gulang. Ngunit kapag lumampas pa rito, mas makabubuting daanin na sa operasyon. Tapos na ang panahon ng ating paghihintay sa itlog na hindi bumaba!
Kung napabayaan ang kondisyon at hindi naopera, at duma-ting ang panahon ng pagbibinata ng bata, baka mabaog siya at hindi na magkaanak.
Kung sa ospital naipanganak ang sanggol, agad mapapayuhan ang mga magulang kung ano ang dapat gawin sa ganitong kaso. Doon sa mga nanganak sa bahay, mahalagang magtungo sa doctor upang maeksamin ang inyong sanggol. Kailangang regular itong ma-tsek para malaman kung kakailanganin pa ang operasyon o hindi.