Bakit hirap akong makarumi?

ANG constipation (pagtitibi) ay isang kondisyon kung saan matigas at masakit ang pagdumi. Kapag hindi ka pa dumurumi ng tatlong araw, masasabi ring constipated ka.

Ang constipation ay puwedeng magdulot ng almoranas, at makasama sa may sakit sa puso at may luslos. Pinapayuhan namin ang may sakit sa puso na huwag umiri nang matagal dahil puwede silang atakehin sa puso.

May mga dahilan o risk factors kung bakit hindi makarumi ang isang tao:

1. Kulang sa pagkain ng prutas at gulay. Kailangan nating kumain ng 2 tasang prutas at 2 tasang gulay bawat araw.

2. Kulang sa pag-inom ng tubig. Kaya uminom tayo ng 8 basong tubig sa isang araw.

3. Nagpipigil ng dumi at walang regular na oras ng pagdumi. Dapat ay magkaroon ng regular na oras ng pagdumi.

4. Kulang sa ehersisyo. Ang tamang pag-eehersisyo ay 30 minutos hanggang isang oras sa isang araw. Gawin ito ng 3 hanggang 5 beses kada linggo.

5. Ang mga buntis at may edad ay madalas hirap makarumi. Ito’y dahil bumabagal ang galaw ng kanilang bituka.

Gamot sa constipation:

Kapag hindi nakuha sa natural na gamutan, puwede ring sumubok ng mga gamot paminsan-minsan. Ang tawag sa mga gamot na pamparumi ay laxatives. May iba’t ibang uri ng laxatives.

May pamparumi na mabilis ang epekto at may pamparumi na mabagal ang epekto. Mas ligtas gamitin ang pamparumi na mabagal ang epekto.

1. Pamparumi na mabilis ang epekto – Ang mga gamot, tulad ng Bisacodyl 5 mg tablet, ay puwedeng magparumi sa loob ng 8 hanggang 12 oras. Ngunit kapag nasanay ka sa gamot na ito ay magiging constipated ka naman. Magtanong muna sa doktor bago uminom nito.

2. Pamparumi na mas mabagal ang epekto – Ang mga gamot tulad ng lactulose (brand name Duphalac) ay binibigay ng 1 o 2 kutsara sa gabi. Ito ang nirereseta ng doktor para sa mga may edad, may sakit sa puso, may stroke at nakaratay na pasyente. Puwede rin ang Psyllium fiber (brand name Metamucil). Inihahalo ang 1 sachet sa isang basong tubig at iniiinom ng 1 o 2 beses sa maghapon. Lalambot ang iyong pagdumi makalipas ang 2 o 3 araw.

Tandaan, kumunsulta muna sa isang doktor bago uminom ng mga gamot na ito. Magpatingin din sa doktor kapag kayo ay namamayat, may nakitang dugo sa dumi, o may lahi ng cancer sa bituka. Huwag basta-bastang iinom ng mga gamot at slimming herbal tea at baka hindi ito angkop sa iyo. Good luck.

Show comments