BABALA! Namamayagpag sa mga probinsya ang mga nag-aalok ng mga oportunidad na pagkakakitaan sa paraang investment kuno.
Kuwidaw, dahil baka ang katransaksiyon mo ay mga dorobong huhuthutin lang ang pera n’yo tapos ay biglang maglalaho.
Magaganda ba ang pangako? Instant money ba ang ginagamit na panghihikayat sa inyo na akala mo’y biglaan kang magiging milyonaryo? Mga boss, take it from me, modus ‘to!
Marami na ang nagsabi, if it’s too good to be true, then it probably is! Estilo ng mga ito na mangako gamit ay mga mabulaklak na salita kabilang na ang mabilis na paglago ng inyong pera.
Alam ng mga hijo-de-puto ang profile ng kanilang mga biktima dahil ang kanilang paboritong target ngayon, kamag-anak ng overseas Filipino workers (OFWs).
Alam na alam ng mga ito nila kung saan nakatira ang pamilya ng mga OFW sa probinsya. Mag-ingat ha dahil papangakuan kayo ng mga putok sa buho na ito at kukunin ang loob n’yo para madali kayong umuo.
Kadalasan, mga indibidwal lang at ‘di empleyado ng kahit anong kompanya ang kakatok sa inyong mga bahay. Ang kanilang alok, pag nag-invest ka sa kanila, instant 15% na kita at ang nakakaloko madalas ay mas mataas pa.
Quick money scheme ang tawag dito. Walang matinong kontratang pinapakita at bibigyan lang ng maliit na papel ang mga biktima na akala mo ay may importanteng nakasulat.
Eto pa ang tagline ng mga talpulano, kada buwan, sigurado raw ang pasok ng pera. Bibigyan ka pa ng passbook para kunwari makatotohanan, pero kapag naglabas ka na ng pera, wala namang idedeposito.
Mag-ingat din sa kanilang mga nicely-worded documents dahil notaryado pa, pero kapag nag-double check ka sa Securities and Exchange Commission, bogus pala! Hindi sila rehistrado at wala silang karapatang mang-enganyo ng investment kung kani-kanino.
Siyempre, hindi naman mabubuhay ang mga kumag na ‘to nang walang padrino. Malakas ang kapit sa otoridad sa mga probinsya kaya hindi natatakot.
Kaya mga bossing, maging paladuda. Pag may nag-alok ng mga ganitong investment opportunities, itawag muna sa mga dalubhasa, mga abogado, o i-message n’yo kami sa aming Facebook pages.
Trabaho naming idokumento bawat kilos at galaw ng mga dorobo, hinuhubaran namin maging kanilang mga santa’t santo. May nalalaman ka bang ganito? Ii-report agad sa amin at nang malambat ang mga anay ng lipunan na ito.