Parusang kamatayan napapanahon nga ba?

Sa pinakahuling survey na inilabas ng Pulse Asia, lumalabas na mas nakakarami pa rin umano sa mga Pinoy ay sumusuporta? sa parusang kamatayan.

Bagamat bumaba ito sa 67 percent kung ikukumpara na 81 porsiyento ang pabor dito noong survey ng July 2016.

Nangunguna ang kasong rape na nakakuha ng 97 percent sa nais mapatawan ng parusang kamatayan, kasunod ang murder na 88 percent at drug pushing na 71 percent.

Nakapasa na ang death penalty sa Kamara, gayunman mukha o mahihirapang lumusot ito sa Senado kaya ito rin ang inaantabayan ng marami nating kababayan, pabor man o hindi sa pagbabalik nito.

Giit ng mga kontra mas dapat munang matutukan ang pagpapaunlad sa justice system sa bansa.

Hindi nga ba’t grabe ang itinatagal ng pagdinig sa mga kaso rito. Inaabot ng maraming taon bago madesisyunan ang isang kaso.

Ang masakit nito sa isang akusado kung dumating ang araw ng paghatol at ipawalangsala siya ng? korte. Paano na ang ilang taon niyang pinagdusahan sa bilangguan.

Sa ibang bansa, kung nakulong ka ng ilang taon at napawalang sala, babayaran ka ng estado. Sa Pinas charge it to experience, ika nga.

Noon lamang nakalipas na linggo isang akusado sa rape ang nahatulan ng lower court ng hanggang 40-taong pagkabilanggo. Inayunan rin ito ng Court of Appeals.

Gayunman sa inilabas na desisyon ng Supreme Court noong nakalipas na linggo ay ipinawalang sala. Mahigit na walong taon na itong nakulong.

Hindi biro ang ganitong mga taon na iginugol sa loob ng piitan na sa huli eh mapapatunayang walang sala.

Marami ang ganitong insidente, dahil nga sa tagal ng mga pagdinig sa kaso.

Isa rin ito sa dahilan kung bakit daw siksikan ang mga bilangguan sa bansa dahil sa tila usad pagong na pagdinig sa mga bilanggo kaya naiipon.

Mas makabubuti siguro na, maiayos muna nang husto ang ganitong mga bagay sa hudikatura bago tumbukin ang parusang kamatayan.

Show comments