Surfer, buhay matapos magpalutang-lutang sa dagat ng 32 oras sa kanyang surfboard
NAGPAPAGALING na ngayon sa isang ospital ang 22-anyos na Scottish surfer matapos mawala ng 32 oras sa karagatan habang sakay lang ng kanyang surfboard.
Nawala si Matthew Bryce noong Linggo ng umaga matapos itong mag-surf sa karagatang malapit sa northwest Scotland.
Lunes na ng gabi nang muling matagpuan ang taga-Glasgow, Scotland na si Bryce, na nakitang nagpapalutang-lutang 13 milya ang layo mula sa baybayin.
Humingi ng tulong ang kanyang mga kamag-anak sa mga kinauukulan nang hindi sumipot si Bryce sa pakikipagkita sa kanyang mga kaibigan noong Linggo, ayon sa mga nag-rescue sa binata.
Tumagal ng 7 oras ang rescue operation na inabutan na ng dilim sa paghahanap.
Nawawalan na sila ng pag-asa sa kaligtasan ni Bryce dahil sa tagal na nitong nasa tubig kaya naman nakahinga sila ng maluwag nang mamataan siya ng isang rescue chopper.
Nagka-hypothermia si Bryce ngunit may malay naman ito nang matagpuan ng mga rescuers.
Nakatulong ang baong makapal na wetsuit at boots sa pagkakaligtas ni Bryce dahil nagamit niya ang mga ito laban sa matinding lamig sa karagatan.
Tinangay raw ang surfer nang malalaking alon mula sa Atlantic Ocean at ng malalakas na hangin kaya ito’y nawala.
Agad namang dinala si Bryce sa isang ospital kung saan siya nagpapagaling.
- Latest