‘Siga ba kamo? Dapat diyan kinakastigo!’

WALANG karapatan ang sinuman na magtapang-tapangan, magsiga-sigaan at manakit lalo ng mga ordinaryong tao. Anumang posisyon at katayuan mo sa buhay, hindi kayo lisensiyado.

Kaya kapag nakakatanggap ako ng mga reklamo ng pananakit at pang-aabuso sa mga hinayupak na akala mo kung sino lang, nanggagalaiti talaga ako.

Lunes, Araw ng mga Manggagawa, isang ina ang lumapit sa tanggapan ng BITAG. Ang kanyang 16-anyos na anak ay pinagtulungang bugbugin ng mag-amang siga kuno sa Pasig City.

Nagpapa-load lamang daw ang kanyang anak at napagtripan ng butangerong suspek na kinse-anyos lamang, aba’y menor de edad din. Ang masaklap, sumawsaw ang aroganteng tatay at kinuyog ang biktima.

Eto pa ang kayabangan ng mag-ama, inisnab ang imbitasyon ng dalawang barangay na nagsanib-puwersa kasama ang isang pulis para pagpaliwanagin sa kanilang ginawa.

Kita mo nga naman, tigasin talaga ang mga mokong. Hindi pa riyan natapos dahil nakuha pang bantaan ng mag-amang hambog ang kanilang biktima kapag nagsumbong pang muli.

Nahamon ako sa asal ng mga inirereklamo. Ito ‘yung mga anay sa lipunan na dapat tinitiris at dinudurog para hindi dumami at makapambiktima pa ng iba.

Kinabukasan, kasama ang buong team ng Kilos Pronto ay binisita ko ang mag-amang buta-ngero. Gusto ko lang sila makausap, up close at personal, pribilehiyo sa kanila ang pagbisita ko.

Alam n’yo na siguro ang estilo ng BITAG, walang patumpik-tumpik, kapareho ng lengguwahe ng mga siga, butangero at arogante ang ipinalasap ko sa mag-ama.

Dapat kasing idikdik sa kukote ng mga abusadong tulad nila na walang karapatan ang sinuman na manakot, manakit at mang-abuso.

Maiintindihan lamang nila ang mensahe kung lengguwaheng butangero, siga, arogante at pasaway ang gagamitin mo sa kanila.

Maangas pa sa umpisa, sumasagot-sagot pa subalit ang ending, animo’y mga pinitpit na luya at mala-anghel na ang itsura.

Paalala lang mga boss, kapag nakakatanggap ako ng ganitong reklamo ay hindi ako nagdadalawang isip na “bisitahin” kayo. Kahit saang lupalop kayo naroon, bibisita talaga ako.

Oh ‘yung mga siga diyan, magbagong-buhay na kayo ha. Kapag naisumbong kayo sa aking tanggapan, sosorpresahin ko kayo dahil mahalaga kayo sa akin.

Bibigyan ko kayo ng panahon para makapag-kita tayo sa personal at talagang kakastiguhin ko kayo!

Show comments