EDITORYAL - Kulang sa kulungan
MASKI sa makipot na kuwarto na walang ventilation, mabaho at walang comfort room, inilalagay ang detainees. Ganito ang nadiskubre sa MPD Station 1 sa Tondo, Manila. Dahil sa nadiskubreng “secret jail”, sinibak ang station commander at kanyang mga pulis. Katwiran ng station commander, kulang daw ang kulungan kaya pansamantalang inilagay dun ang detainees na ang ilan pa ay babae. Pero hindi pa rin makatwiran ang kanyang ginawa at dapat siyang ipagharap ng sumbong.
Sa isang banda, may kakulangan talaga ng kulu-ngan sa bansa. Parang “sardinas” na ang mga jail at hindi na maganda ang kalagayan ng detainess dahil sa sobrang siksikan. Ang ganitong kalagayan ay nakikita ng human rights advocates at naidadagdag sa akusasyong ibinabato sa Duterte administration kaugnay sa pakikipaggiyera sa illegal na droga.
Ayon sa report, 555 percent na congested ang jails sa bansa at karamihan sa mga nakakulong ay mahihirap na hindi kayang magpiyansa. Nakadagdag sa pagsisikip ng jails ang mga naaarestong drug suspect. Ayon sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), dumami ang mga detainee mula nang maibalik ang “Oplan Tokhang”.
Dahil sa pagsisikip ng mga jail, maski ang hagdanan ay hinihigaan na ng detainess. Mayroong naghahalinhinan sa pagtulog. Mayroong patayo kung matulog at kung anu-ano pang paraan para lamang mairaos ang pamamahinga. Sa isang report, ang jail sa Biñan City, Laguna na naglalaman lamang ng 22 detainees ay mayroon ngayong 602.
Dapat gumawa ng paraan ang pamahalaan sa nangyayaring ito na umaapaw na ang mga jail. Kung hindi kaya ang parami nang paraming nahuhuli sa illegal na droga, hingin ang tulong ng private sector o international community para malutas ang pag-apaw ng detainees sa mga jail. Bakit hindi rin gamitin ang mga ipinagawang rehab centers na ayon sa report ay wala namang drug addict na nire-rehabilitate. Gawing prayoridad ang pagpapaluwag sa mga bilangguan para hindi maakusahang lumalabag sa karapatang pantao gaya nang ginawa sa Station 1 sa Tondo na kahit walang ventilation at electric fan ay inilagay doon ang detainees --- ma-lalaki o ma-babae.
- Latest