MADALAS mailagay sa alanganin ang gobyerno ng ilang overseas Filipino workers (OFWs) na nakasuhan dahil sa illegal drugs.
Panahon na upang magpatupad ng polisiya ang gobyerno na kung ang isang Pilipino, turista man o manggagawa ay positibo o kumpirmadong sangkot sa iligal na droga sa ibang bansa ay hindi na dapat itong tulungan.
Ito ay sa gitna ng mga ulat na ihihirit ni President Duterte kay Indonesian President Joko Widodo na mabigyan ng clemency at makaligtas sa parusang kamatayan ang OFW na si Maryjane Veloso.
Sa sinumang Pilipino na masangkot sa iligal na droga ay tiyakin lang ng pamahalaan na mabibigyan paglakataon ang akusado na maidepensa ang sarili sa korte at matiyak ang karapatan nito.
Pero kung talagang sabit sa illegal drugs at ang ikakatwiran ay ang kahirapan kaya pumasok sa alok ng sinidkato ay hindi dapat itong pagbuhusan ng panahon ng gobyerno.
Hindi na dapat pang bigyan ng prayoridad ang mga kaso sa illegal drugs ng mga Pilipino sa halip ay unahin ang ibang kaso.
Isa sa dapat na unahin at bigyan ng prayoridad ng gobyerno ay ang mga Pilipino na ginipit lang ng kanilang mga employer at iba pang uri ng pagmamaltrato.
Mas mabuting sa mga kasong ito ibuhos ng gobyerno ang limitadong pondo upang makatiyak na makukuha agad ang hustisya.
Kung may malinaw ng patakaran ang gobyerno na hindi prayoridad ang kasong may kinalaman sa illigal na droga, maaring mag-isip ang mga Pilipino na magpagamit sa sindilato ng illegal drugs.
Hindi tamang ikatwiran ng ating ilang kababayan na nasilaw sila sa alok na pera ng sindikato dahil sa kahirapan at sa dakong huli ay sa gobyerno ipapasa ang problema.