Tumawa para gumanda ang pakiramdam

KUNG kayo ay may pinuproblema sa buhay, puwede ninyong mapagaan ito sa pamamagitan ng pag-iisip ng masasayang alaala. Manood kayo ng masasaya at nakakatawang palabas. Sumama sa mga kaibigan mong palatawa at masiyahin.

Ayon sa isang pagsusuri sa University of California, kapag nanood kayo ng nakakatawang palabas ay mababawasan ang iyong galit at inis ng 61% at natatanggal din ang pagod ng 87%. Ayon kay Dr. Lee Berk, ang gumawa ng pagsusuri, kapag kayo ay tumawa, tumataas ang lebel ng endorphins sa katawan, isang kemikal na nagpapalakas sa immune system.

Napatunayan ni Dr. Berk na ang white blood cells at antibodies (mga sundalo ng katawan) ay lumalakas kapag madalas tumawa. Dahil dito, mas nalalabanan ang mga impeksiyon. Ang iba pang benepisyo ng pagtawa ay ang pagbaba ng blood pressure, pagganda ng daloy ng dugo sa puso at utak, at pagbawas sa sakit ng katawan.

Kaya nga ipinapayo ni Dr. Berk sa mga ospital na magpalabas ng masasayang pelikula sa loob ng ospital na posibleng makatulong sa paggaling ng mga pasyente. Heto ang ilang payo tungkol sa pagtawa:

1. Huwag seryosohin ang lahat nang bagay. Matutong tawanan ang sarili at ang iyong problema.

2. Ayon sa mga eksperto, subukang tumawa ng ilang minuto bawat araw. Mabuti ito sa iyong kalusugan.

3. Hanapin ang katawa-tawa sa ordinaryong sitwasyon. Pero huwag naman pagtawanan ang ibang tao. Hindi ito maganda.

4. Kung may ibang tao na tumatawa, wala namang masama kung matatawa ka rin.

5. Makisama sa mga taong masiyahin at positibo ang pananaw sa buhay. Makipagkuwentuhan sa kanila.

6. Magbasa ng mga pahayagang may magagandang balita. Magbasa ng balita tungkol sa lifestyle, sports, entertainment at kalusugan.

7. Manood ng nakakatawang palabas at entertainment shows. Paminsan-minsan manood ng cartoons at Disney Channel. Nakaka-relax ito. Kaya tandaan ang kasabihan: “Laughter is the best medicine.”

Show comments