SA 15 taon ng BITAG sa investigative media at public service, nakaengkuwentro na kami ng samu’t saring panloloko. Isa rito ang text scam na maituturing na pinakaluma subalit patok na patok pa rin hanggang ngayon.
Nakakatawa na nakakagalit dahil panahon pa ng kopong-kopong ang estilo ng panloloko na ito gamit ang teknolohiya ng text message subalit marami pa ding nabibiktima.
Mula sa mga congratulatory text na nanalo ka sa isang raffle o ‘di kaya naman ay sasabihin na bago na ang kanyang roaming number, maling sent o discount kuno sa load. Iba-iba ang istilo pero iisa lang ang motibo, ang makakuha ng pera dahil sa panloloko.
Nitong Lunes, isang babae ang lumapit sa aming tanggapan. Congratulatory text ang kanyang natanggap at kailangan ng paunang bayad na P3,000 bilang processing fee.
Ninais sana naming i-expose ang kolokay na dorobo, tinawagan namin on-air sa Kilos Pronto subalit isang beses lang ito sumagot ng kanyang telepono.
Ang kawatan, umiiwas na makipag-usap sa biktima, ang gusto ay text-text lang. Kundi ba naman talagang gunggong ang putok sa buhong mga text scammer na ‘yan.
Hirap maging ang mga otoridad na siluin ang mga kumag na ito sa likod ng text scam. Hindi naman kasi sila nakikipagkita at uutusan lang ang kanilang mga biktima na ipadala ang pera o magbigay ng sandamakmak na call card pins.
Kaya naman, patuloy na nagbibigay ng babala na lang ang National Telecommunication Commission (NTC) at maging iba’t ibang telecommunication companies na huwag na huwag kumagat sa patibong ng text scam.
Biruin mo, sa datos ng NTC noong 2015 ay nakatanggap sila ng mahigit kumulang 6,500 na reklamo tungkol sa insidente ng text scam simula pa noong 2011.
Nitong nakaraang taon lang ay meron namang 433 na reklamo. Santisima que barbaridad, may mga nagpapaniwala pa rin?!
Dumarami ang mga prepaid subscribers sa bansa kaya naman lumalaki rin ang oportunidad ng mga manloloko sa likod ng text scam.
Kaya nga paulit-ulit na lang ang babala sa inyo mga Juana at Juan Dela Cruz, ‘wag agad papasilaw sa laki ng pera.
Oh ‘yung mga gusto ng easy money diyan, isip-isip din minsan ano? Kung alam mong wala ka namang sinalihang anumang contest o raffle, wala ka ring dapat panalunan. Kung nanalo ka man dapat wala kang babayaran at hindi sa telepono lang ang transaksiyon.
Tandaan, kapag pumatol kayo dahil akala mong hulog ng langit ang premyong makukuha mo, aba hoy sugo ng demonyo ‘yang nasa likod ng text scam!
Mag-ingat, mag-ingat!