‘BITAG public service, raratsada na!”

RARATSADA ang aming grupo at ang aking opisina sa pagtanggap ng reklamo at sumbong dahil inilunsad na ng Bitag Media ang public service live streaming.

Mapapanood ang aking live interview at pagtugon sa bawat reklamo tuwing hapon sa facebook page ng Bitag Media.

Ako mismo ang kumakausap upang pakinggan ang mga sumbong at reklamo. Bahagi ito ng kampanya ng BITAG na paigtingin ang aming public service.

 Ibinabalik din, ang BITAG People’s Day kung saan ako at buong grupo ng aming mga programa, ang Kilos Pronto, Bitag, Bitag Live at Ben Tulfo Unfiltered ay magtutulong-tulong na tugunan ang inyong mga hinaing tuwing Miyerkules, alas-9 hanggang alas-5 ng hapon.

Bahagi lamang ito ng aming pasasalamat sa ating mga kababayang walang sawang sumusuporta at nanonood ng aming programa sa loob ng labinlimang taon.

Hindi ko ipinangangako na isandaang porsiyentong nasosolusyunan ang bawat problema subalit masisiguro kong natututo ang mga taong lumalapit sa aming tanggapan.

Ang prinsipyo ng BITAG sa katagang “pagtulong” ay hindi lamang basta solusyunan ang reklamo o aksiyunan ang mga sumbong – madali sa amin ito.

Ang aking adhikain, maimulat ang mata ni Juan Dela Cruz, maging aral sa mga paraan  matuto sa mga pagkakamali upang hindi na muling masangkot sa problema at kaguluhan. 

Anumang reklamo at sumbong ng pang-aabuso, pang-aapi, pananakit, kawalan ng aksiyon, sumbong na mula pa sa ibayong dagat, sumbong mula sa malalayong probinsiya, at saan mang panig ng bansa, bukas ang aking tanggapan.

 Sampu ng aking mga staffs sa Bitag Media Unlimited Inc (BMUI) at sa abot ng aming kakayahan ay tutugunan namin ang inyong mga hinaing.

 

Maaaring marami pa ang hindi nakakaalam na lumipat na kami ng bagong opisina. Bago na ang aming action center at matatagpuan ito sa Richwell Center, 102 Timog Avenue, Quezon City.

Maghihintay ako at ang aking grupo, magkita-kita tayo tuwing Miyerkules sa Bitag People’s Day.

Show comments