EDITORYAL - Sirang kalsada, wasak na barriers at walang signages kaya may mga sakuna
NANG mahulog sa bangin ang Leomarick bus sa Carranglan, Nueva Ecija noong nakaraang linggo na ikinamatay ng 35 pasahero, hindi lamang ang pagkasira ng preno ang nakikita ngayong depekto kaya nangyari ang malagim na trahedya. Nakikita na ngayon na malaki ang pagkukulang ng Department of Public Works and Highways (DPWH) kaya nahulog ang bus sa 100 foot na bangin. Walang harang ang gilid ng kalsada kaya nang mawalan ng preno ang bus, tuluy-tuloy ang pagbulusok. Kung may konkretong barriers sana sa gilid, maaaring napigilan ang bus sa pagkahulog at nakaligtas ang mga pasahero na karamihan ay mahihirap.
Napag-alaman mismo ng Land Transportation, Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na walang konkretong harang o barriers ang gilid ng kalsada. Ayon sa LTFRB, dati raw ay may konkretong harang ang lugar pero nasira at hindi na ipinaayos ng DPWH. Kung bakit hindi agarang ipinaayos ng DPWH ay hindi malaman ang dahilan. Walang maibigay na rason ang mga taga-DPWH kung bakit nga hindi nalagyan ng harang ang gilid na lubhang mahalaga sa lugar sapagkat accident prone area iyon.
Isa pang nakikitang kakulangan ng DPWH sa highway na pinangyarihan ng sakuna ay walang mga babala o signages na dapat ay mag-ingat ang mga drayber sa pagmamaneho. Wala man lang babala na mag-tsek ng brake o kaya’y paalala na magdahan-dahan sapagkat kurbada ang lugar. Walang mga ganitong babala na lubhang mahalaga sa mga driver.
Kailan aaksiyon ang DPWH? Kapag mayroon na namang malagim na aksidente. Sana, kumilos ang DPWH sa bagay na ito. Kawawa naman ang riding public.
- Latest