Krema (177)

ININSPEKSIYONG mabuti ni Col. Valdez ang bridal car at ang manikin na gagamitin. Gusto niya ay maging matagumpay ang paghuli nang buhay sa riding-in-tandem para lalong madiin ang “utak” sa isasagawang krimen. Sa mga nangyayari ngayong pagsalakay ng riding-in-tandem, wala pang nahuhuli sa mga ito para magbigay-linaw kung sino ang nasa likod. Kahit may mga CCTV, hindi pa rin makatulong nang lubos.

“Pulis ang magmamaneho ng bridal car at nasa likod naman ang back-up car kung saan naroon ako. Gusto n’yo ba sa back-up car din sumakay, Lex, Krema.’’

“Puwede ba sa bridal car, Colonel?’’ tanong ni Krema.

“Aba huwag. Kapag nagkaputukan, maaaring tamaan ka. Dalawang pulis kong sharpshooter ang nasa bridal car. Pagtapat ng riding-in-tandem, saka magkakaroon ng aksiyon. Hindi na hihinta-ying makaputok ang mga hired killer. Ang gagawin ng pulis ko, biglang bubuksan ang pinto at babalyahin ang motorsiklo ng hired killer. Tutumba ang motorsiklo at tiyak na hindi sila makakatakbo. Kahit pa anong liksi nila, hindi na sila uubra kapag sumemplang ang motor. Sa ganun, buhay na buhay na mahuhuli ang tandem.’’

“Aba okey na okey po ang plano mo Colonel,” sabi ni Krema.

“Sinundan ko lang ang plano mo Krema. Ikaw pa rin ang nakaisip nang lahat na ito at kami lamang ang magpapatupad.’’

“Paano po Sir kung magba­go ng plano ang mga killer. Hindi na pala sa stop light ga­gawin ang pagbaril?’” tanong ni Lex.

“Kahit saan nila gawin ang pagbaril, ganun pa rin ang mangyayari. Kailangan nilang lumapit para mabaril in close range ang target. So, sila talaga ang gagalaw at naghihintay lang ang nasa bridal car.’’

Napatango si Lex. Mahusay si Colonel Valdez, naisip ni Lex.

“Okey na ang plano. Magkita-kits na lang tayo sa wedding day, Krema, Lex?’’

“Opo Sir.”

“Matatapos din ang pamamayagpag ng drug queen na si Dang.’’

“”Yan po ang gusto na-ming mangyari, Colonel,” sabi ni Krema. “Kailangang matapos na ang salot.”

(Itutuloy)

Show comments