Mababang parusa sa overloading
Malagim na trahedya na naman ang naganap kamakailan sa Carangglan, Nueva Ecija kung saan nga bumulusok sa malalim na bangin ang isang pampasaherong bus na sinasabing nawalan ng preno.
Umabot sa 35 ang nasawi sa insidente bukod pa sa mara-ming nasugatan.
Sa inisyal na mga pagsisiyasat lumalabas na may mga paglabag na nakita sa naturang kompanya ng bus na Leomarick Trans, kabilang nga dito ang overloading . Sinasabing may kalumaan na rin ang naturang bus.
Ngayon nakatutok ang mga imbestigasyon sa isyu ng overloading. Nabatid kasi na aabot sa nasa 77 ang sakay ng bus na ang capacity lamang dapat na sakay nito ay 45.
Balak na ring siyasatin ng Kamara at ng Senado ang trahedya. Nag-utos na rin ang Malacanang ng malalimang imbestigasyon ukol dito na dapat umano na may managot.
Dahil nga sa trahedya , ipinapanukala ang mas mabigat na parusa sa mga sasakyang sobra-sobra kung magsakay na lampas sa kapasidad na lulan nito.
Panahon na umano para maamyendahan ang batas sa overloading dahil sa mababang parusa kaya marami ang lumalabag at nagbabalewala sa batas ukol dito.
Taong 1964 pa naipasa ang nasabing batas sa overloading at mababa ang parusa dito.
P2,000 sa unang paglabag at P3,000 at suspensiyon ng Certificate of Public Convenience para sa ikalawang paglabag.
Nakakalungkot lang na kailangan pang may mangyaring ganitong uri ng trahedya bago mapansin at tutukan ang mga batas sa lansangan na sana nga ay proteksyon sa mga pasahero at mga motorista.
- Latest