PROBLEMADO sina Krema at Lex.
“Akala ko ay tapos na ang problema, Lex, hindi pa pala.’’
“Naiisip ko, dapat ireport na natin sa pulis ang balak ni Dang sa atin. Baka nga totoo ang nasagap ni Roger na ipapapatay ka ni Dang. Mas mabuti na ang alam ng PNP na may threat sa atin. At ang matindi pa nito ay sa mismong kasal pa natin gagawin ang pagpatay. Talagang masama ang balak.’’
Nagsalita naman ang mama ni Lex na kanina pa pala nakikinig.
“Sabi ko nga di ba na dapat ay ireport sa pulis ang balak ng drug syndicate.’’
“Iyon nga po ang gagawin namin ni Krema, Mama.’’
“Kailangang gawin n’yo na ngayon at baka kung ano pa ang gawin ng mga halang ang kaluluwa.’’
“Opo Mama.’’
Nagsalita si Krema.
“May naisip ako Lex.’’
“Ano yun?’’
“Kapag naireport natin sa pulis, gumawa tayo ng senaryo.’’
“Paanong senaryo?’’
“Kailangang mahuli natin ang mga uupahang killers ni Dang para maidiin siya. Kapag nadiin siya, mabubulok na talaga siya sa bilangguan.’’
“Ano ang balak mo?’’
“Kunwari ay nakasakay na nga ako sa bridal car sa araw ng kasal natin, pero ang totoo, manikin lamang ang naka-suot wedding gown. Tiyak na kapag nakita ng gunman na nasa bridal car na ako, sasalakay. Mahuhuli na ng mga pulis ang killer. Pulis ang magda-drive ng bridal car.’’
“Puwede ang naisip mo, Krema.’’
“Ilahad natin sa pulis ang gagawin nating senaryo para maging maayos ang plano.’’
“Sige. Magtungo na tayo sa pulis.’’ (Itutuloy)