EDITORYAL - Sana totoo na ang usapan
NAGHARAP at nagpirmahan na noong nakaraang linggo sa Netherlands ang gobyerno at CPP-NDF isang kasunduan para sa interim ceasefire. Ito ang ikalawang paghaharap ng mga negotiator sa magkabilang panig. Ang unang paghaharap ay naganap noong nakaraang Disyembre 2016. Muntik nang hindi matuloy ang paghaharap ng magkabilang panig makaraang bawiin ni Pres. Rodrigo Duterte ang pakikipag-usap sa CPP-NDF noong Pebrero makaraan ang sunud-sunod na pananambang ng New People’s Army (NPA) sa mga sundalo. Pinababalik na ni Duterte sa barracks ang mga sundalo at pinalilinis na ang mga baril para makipagsagupa sa NPA.
Mabunga ang pag-uusap ng peace negotiators at inaasahang magtutuluy-tuloy na makaraang lagdaan ang kasunduan. Nakikita na umano ang magandang kinabukasan at matatapos na ang 48-taon ng madugong labanan ng mga NPA at sundalo. Marami nang namatay sa labanan.
Ayon sa kasunduan, ang tigil-putukan ay magkakabisa kapag ang guidelines at ground rules ay naaprubahan. Ayon sa magkabilang panig, mas stable ang kasunduang ito kaysa mga unang napag-usapan ukol sa ceasefire. Inaasahang maipatutupad ang ceasefire kapag nalagdaan ang Comprehensive Agreement on the Social and Economic Reforms (CASER). Inaasahang magkakaroon na ng ceasefire bago matapos ang 2017.
Pumirma para sa panig ng gobyerno si chief negotiator Silvestre Bello III at NDFP panel chairman Fidel Agcaoili. Saksi sa paglagda sina Presidential Adviser on the Peace Process Jesus Dureza at Communist Party of the Philippines founder Jose Maria Sison.
Sana totoo na ito para matigil na ang pang-aambus ng mga rebelde sa mga sundalo. Para matigil na ang panununog ng mga bus at paghingi ng revolutionary tax.
Matagal nang minimithi ang kapayapaan sa bansang ito. Sana, totoo na ang pag-uusap at wala nang maging hadlang.
- Latest