Sindac-Anduyan tandem sa ARMM, matagumpay!

MATAPOS maupo bilang hepe ng Autonomous Region of Muslim Mindanao ARMM) noong Disyembre, dinalaw ni Chief Supt. Reuben Theodore “Artie” Sindac ang limang probinsiya na sakop niya para alamin ang morale ng kanyang mga tauhan, pati na ang supply nila ng armas, at bala at dininig din ang iba pang mga concern nila. Siyempre, namangha si Sindac sa mga natuklasan niya. Subalit imbes na magmukmok sa isang sulok at sisihin ang naunang hepe ng ARMM, aba kumilos si Sindac at tinugunan ang mga problema ng kanyang mga tauhan sa abot kaya niya. Namuo sa isipan ni Sindac ang kaso ng isang pulis na halos 30 taon na sa serbisyo subalit ni hindi siya nakatikim ng isyu ng gobyerno, maging magazine sa Armalite niya o bala. Hamakin mo ‘yan mga kosa? Kalimitan pala, ang mga pulis sa ARMM ay kanya-kanyang bili ng magazine at bala at iba pang gamit na pangdepensa nila. ‘Yun ay kung me pera sila. Kapag wala? Hehehe! Nagmumukhang kawawa ang mga pulis sa ARMM, na tinaguriang tapunan ng mga scalawag cops mula sa Metro Manila at iba pang bahagi ng Luzon. Gumawa na lang ng paraan si Sindac na i-direkta na ang mga supply ng PNP sa mga pulis para lalo silang ganahang magtrabaho. Hehehe! Kanya-kanyang gimik lang ‘yan, di ba mga kosa?

Siyempre kung naikot na ni Sindac ang probinsiya ng Maguindanao, Lanao del Sur, Basilan, Sulu at Tawi-Tawi, ganun din itong si Sr. Supt. Rolando Anduyan, ang deputy director for operations ng ARMM. Sa utos ni Sindac, inayos ni Anduyan ang cooperation at communication line ng ARMM sa kanilang counterpart sa military. Noon kasi, halos may kanya-kanyang kaharian ang ARMM police at military kaya’t hindi synchronize ang hakbangin nila sa kampanya laban sa terorista, criminal at drug syndicates. At dahil sa magandang relasyon ng ARMM police at military sa ngayon, marami na silang isinagawang joint operation kaya tumaas ang bilang ng accomplishment nila, lalo na sa kampanya ni Pres. Digong laban sa droga. Get’s n’yo mga kosa? Hehehe! Tumapang ang mga ARMM police dahil sa suporta nina Sindac at Anduyan kaya natatakot na ding gumalaw ng di maganda ang mga armed groups at clan sa lugar.

Ang pinakahuling accomplishment ng joint police at military sa ARMM ay ang pagsalakay nila sa grupo ng mga armado sa Omar, Sulu noong Marso 29 kung saan naengkuwentro nila ang grupo na sangkot sa murder, arson at drug trade. Namatay sa engkuwentro si Ardin Akar Paling, 32, nasugatan si Nong Haliludin, 29, at naaresto naman si Saudi Kahil Hamja na nakumpiskahan ng tatlong sachets ng shabu. Nakumpiska ng mga police at military raiders ang pitong M16 Armalite rifle, dalawang M203, limang M14 rifles, isang Cal. 22 rifle, tatlong Carbine rigles, isang M79, isang FAL-In, isang 50 caliber machinegun at isang 60mm mortar. Nagkaroon din ng kasabay na raid sa Sitio Buhangin Mahaba, sa Bgy. Lahing-Lahing din at nakakumpiska naman sila ng dalawang M14 rifles, isang M1 Garand rifle, apat na M15 rifles, at isang grenade launcher. Walang naaresto ang pangalawang grupo ng police at military bunga sa nagtakbuhan ang mga kalalakihan doon nang makita ang dumarating na ahente ng gobyerno. Hehehe! Masusundan pa itong accomplishment ng ARMM police at military bunga sa kasipagan ni Sindac at kanyang counterpart sa AFP.

Mukhang hindi nagkamali si PNP chief Dir. Gen Ronald dela Rosa nang hirangin niya si Sindac na hepe ng ARMM noong Disyembre. At maganda ang tandem nina Sindac at Anduyan sa trabaho, di ba mga kosa? Sana humaba pa ang samahan nina Sindac at Anduyan dahil tiyak ang mga residente ng ARMM ang makikinabang. Teka nga pala! Batiin ko muna si Sr Supt. Rodel Jocson, deputy director for administration ng ARMM dahil sa kanyang promotion bilang heneral. Si Jocson ay halos isang dekada nang paikut-ikot sa ARMM ang assignment at napremyuhan din naman siya, di ba mga kosa? Abangan!

Show comments