ISANG bad habit ng Pinoy na puwedeng makaapekto sa kalusugan ng iba ay ang paninigarilyo. Sa Pilipinas, may 56% ng kalalakihan at 12% ng kababaihan ang naninigarilyo. Kapag nalanghap ng ibang tao ang usok mula sa iyong sigarilyo, puwede itong magdulot ng sakit. Ang tawag dito ay passive smoking.
Ayon sa pagsusuri, ang paninigarilyo ay nakababawas ng 6 na taon sa buhay ng naninigarilyo. Sa mga taong nakalalanghap ng usok ng iba, mababawasan din sila ng 2 taon sa kanilang buhay. Ito’y dahil sa taglay na mga lason mula sa sigarilyo.
Epekto ng passive smoking:
Halos pareho rin ang mga sakit na makukuha ng mga naninigarilyo at mga nakalalanghap ng usok ng iba. Ito ay ang sakit sa puso, kanser sa baga at mga sakit sa baga. Sa mga buntis, ang paglanghap ng usok ng sigarilyo ay puwedeng magdulot ng maagang panganganak, maliit na bata, at abnormal na bata.
Sa mga bata naman, ang paglanghap ng sigarilyo ay puwedeng magdulot ng hika, allergy at panghihina ng pag-iisip. Madali rin silang magkaroon ng mga impeksyon tulad ng pulmonya, bronchitis at tuberculosis. Kaya sa mga tatay, huwag nang manigarilyo sa harap ng iyong mga anak. Baka gayahin pa nila ang bisyong ito.
Clean Air Act:
Dahil sa kasamaan ng passive smoking sa kalusugan ng madla, kailangan nating ipatupad ang batas. Ayon sa Clean Air Act (R.A. 8749), bawal manigarilyo sa loob ng pampublikong gusali at pampublikong sasakyan. Bawal ding manigarilyo sa kahit anong pampublikong lugar na nakakulong, tulad ng restaurant, bar at sinehan. Kailangan ay gumawa ng hiwalay na “smoking area” para sa mga naninigarilyo.
Ngunit kahit may batas na tayo ay tuluy-tuloy pa rin ang paglabag dito. Marami pa ring restaurant ang pumapayag na manigarilyo ang kanilang customers. At kapag sasabihan mo na itigil muna ang paninigarilyo ay magagalit pa sila sa iyo.
Ayon din sa batas, responsibilidad ng LGU ang pagpapatupad sa Clean Air Act. Sumunod po tayo sa batas. Puwede naman kayong manigarilyo sa loob ng kuwarto ng iyong bahay. Huwag na sanang magpahamak pa ng iba.