NANINIWALA ang isang cattle breeder sa Belgium na ang sikreto sa masarap na karne ng baka ay ang pagpapainom sa mga ito ng beer.
Naisipan daw ni Hugues Derzelle na painumin ng beer ang kanyang mga baka nang mabasa niyang ginagawa ito ng mga Japanese upang mapasarap ang karne mula sa alaga nilang baka.
Kaya naman simula noong Nobyembre, pinaiinom na ni Derzelle ang dalawa sa kanyang mga alagang baka ng apat na litrong beer araw-araw.
Naniniwala kasi siyang kaya niyang gayahin ang Kobe beef mula sa Japan na sikat dahil sa sarap at lambot nito.
Hindi naman nangangamba si Derzelle na malalasing ang kanyang mga baka sa dami ng pinaiinom niyang beer sa mga ito. Mayroon daw kasing bacteria sa lalamunan ang mga baka na pumipigil sa alcohol na humalo sa kanilang dugo.
Plano ni Derzelle na makapagbenta ngayong 2017 ng 500 kilo ng karne mula sa mga baka na pinainom niya ng beer at maaring mas marami pa sa mga susunod na taon sakaling maging mabenta ito.
Hindi lang si Derzelle ang may kakaibang paraan ng pagpapalaki sa mga alagang baka. Isang farm sa Australia ang nagpapakain naman ng tsokolate sa kanilang mga baka sa paniniwalang mapapasarap nito ang lasa ng karne.